Kakayahang kumita ng kababaihan, susi sa tunay na pagkakapantay-pantay

Face mask-clad pedestrians cross a road in Manila on Sept. 12, 2022.
AFP / Ted Aljibe

Tuloy ang laban para sa gender equality o pagkakapantay-pantay ng bawat kasarian. Malayo man ang ating narating na, may mga hamon pa ring naghihintay na ating malutas.

Sa pagdiriwang natin ng Women’s Month, mahalagang balikan natin ang ating mga nakamit na tagumpay sa larangang ito.  Kasabay nito, alamin natin kung ano pa ang mga kailangan nating gawin.

Mula sa pag-aaral ng Global Gender Gap Index (GGGI) ng World Economic Forum (WEF), hindi maitatanggi na isa tayo sa mga bansang nangunguna sa gender equality. Sa katotohanan, tayo pa ang nangunguna sa Asya dahil ika-16 tayo sa 146 na bansa sa report ng GGGI. Partikular na sa educational attainment, halos magkapantay ang bawat kasarian pagdating sa oportunidad na makapag-aral—99.9% ang parity rating natin pagdating sa aspetong ito.

Ngunit sa kabila nito, lumalabas din na hindi pa rin patas ang kinikita ng kababaihan kumpara sa mga katrabaho nilang lalaki na ka-lebel nila. Ayon sa report ng GGGI, nasa 72% lamang ng kinikita ng mga lalaki ang natatanggap ng mga babae.

Totoong marami pa tayong dapat gawin para masabing tunay na pantay-pantay tayo sa ating bansa.

Pero marami man ang hamon na kaharap natin, nagpapasalamat pa rin ako dahil hindi rin tayo nagkukulang sa mga tao at grupong nakatutok sa adbokasiya natin. 

Dapat All, Equal ininlunsad ng Oxfam Pilipinas

Muli ay nagkaroon ako ng pagkakataon para makasama ang mga kaibigan natin sa Oxfam Pilipinas, para sa paglulunsad nila ng Dapat All, Equal, kasama ang Philippine Commission on Women (PCW) at Eastwood City.

Layon ng kampanyang ito na tutukan ng pampubliko at pribadong sektor ang financial support at economic opportunities na makakapaghatid ng gender equality.

Kapit-bisig bilang magkaka-partner pagdating sa women empowerment at gender equality. Dapat All, Equal!
Oxfam Philippines/Geraldine Hoggang

Isinusulong ni Oxfam Pilipinas Executive Director Erika Geronimo ang pangangailangan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor, at civil society.  Aniya, “ang pagsulong ng gender equality ay responsibilidad ng lahat.”

Partikular sa kampanyang ito ang pagtutok sa economic empowerment bilang isa sa mga nangungunang laban natin. Ayon sa mga pag-aaral, sa kabila ng dami ng oras na iginugugol ng kababaihan sa pagtatrabaho at pangangalaga ng kanilang pamilya, hindi akma ang kanilang natatanggap na sahod o financial compensation.

Ang isyu na ito ay isang personal na bagay para sa akin, pagkat harap-harapang nakita ko ang malalang epekto nito. Sa aking naging trabaho sa ABS-CBN Bantay Bata 163, halos may iisang pinagkapareho ang iba’t ibang mga nakalulungkot na kaso ng pang-aabusong nakita namin. 

Ito ay ang sitwasyon kung saan ang mga biktimang kababaihan at ang kanilang mga anak ay hindi kayang iwan ang mga mapang-abusong asawa o kinakasama dahil sa kanilang pangangailangang pinansyal na suporta, at kawalan ng kakayahan para buhayin ang sarili.

Ang Oxfam Pilipinas, PCW, at Eastwood City ay nagkaisa rin para isulong ang kampanya laban sa gender-based violence, kasabay ng paghihikayat na dumami pa ang investment ng pampubliko at pribadong sektor para tuluyan nang masugpo ito.

Mahalagang usapin din ang mataas na insidente ng child marriage. Sa paglulunsad ng kampanya ng Dapat All, Equal, ibinahagi ni Maria Josefina Balmes, Deputy Director for Operations at ng Philippine Commission on Women, na naitala bilang ika-12 sa buong mundo ang ating bansa pagdating sa suliraning ito. Dagdag niya rin na kung nais nating malutas ito, kailangan din natin ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor at hindi iisang ahensya lamang.

Ibinahagi ni Philippine Commission on Women Deputy Director for Operations Maria Kristine Josefina Balmes ang isang situationer ukol sa gender equality sa Pilipinas sa paglulunsad ng Dapat All, Equal campaign sa Quezon City.
Oxfam Philippines/Geraldine Hoggang

Kung hindi natin kayang makawala sa mga gender stereotype na patuloy na namamalagi pa rin sa ating lipunan, hindi rin makakalaya ang kababaihan mula sa gender-based violence.

Ang epekto ng kalamidad ay hindi gender-neutral

Sa gitna ng mas lumalalim na climate crisis, hangad din ng kampanya ng Oxfam Pilipinas, PCW, at Eastwood City na mabigyang atensyon ang kalagayan ng mga marginalized sectors tuwing tayo ay hinahagupit ng kalamidad. 

Isa si Director Edgar Posadas, Spokesperson ng Office of Civil Defense, sa mga resource person na nagbahagi ng pag-aaral pagdating sa isyung ito.

Ayon kay Director Posadas, ang “epekto ng mga kalamidad ay hindi gender-neutral,” dahil magkaiba rin ang pangangailangan ng bawat kasarian. Kasabay nito, ibinahagi niya ang pangako ng kanilang ahensya na patuloy na ipapatupad ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay at inclusivity sa pagtugon nila sa mga biktima ng mga sakuna.

“Ang katotohanan na ang kababaihan ang isa sa mga at-risk, ang nag-uudyok sa amin na magpatupad ng mas gender-responsive na (disaster risk reduction and management),” dagdag niya.

Collaborating for women

Ang pakikiisa ng Eastwood City sa Oxfam Pilipinas at PCW ang kumukumpleto sa kolaborasyon ng pribadong sektor, mga ahensya ng gobyerno, at non-profit na mga organisasyon na kinakailangan para matupad ang mga layunin ng Dapat All Equal campaign. 

Pinangunahan ni Eastwood City AVP and General Manager Denisse Patricia Malong ang panawagan para sa pagtutulungan ng lahat sa ikatatagumpay ng Dapat All Equal para ang kampanya ay makapaghatid sa atin ng isang “kinabukasan kung saan namamayagpag ang pagkakapantay-pantay.”

Pumirma rin ng isang memorandum of agreement sina Oxfam Pilipinas Executive Director Erika Geronimo (kanan) at Eastwood City AVP and General Manager Denisse Patricia Malong bilang bahagi ng kampanya para sa pagsulong ng gender equality ngayong National Women’s Month.
Oxfam Philippines/Geraldine Hoggang

Siniguro rin ni Denisse ang patuloy na pagsuporta ng Eastwood City sa gender equality, at ang “pantay pantay na karapatan at benepisyo para sa bawat miyembro ng ating komunidad.” 

Bilang bahagi ng kampanya ng Dapat All Equal, hangad ng Oxfam Pilipinas na makapaghatid ito ng makabuluhan na resolusyon sa ika-68 na session ng UN Commission on the Status of Women.

Ang UNCSW68, na may temang "Accelerating the Achievement of Gender Equality and the Empowerment of All Women and Girls," ay gaganapin sa ating bansa. Ang mga NGO tulad ng Oxfam Pilipinas ay inaasahang makikiisa rito, sa hangaring maisulong ang kinabukasan kung saan tayo ay pantay-pantay at malayo sa gender-based violence. 

Ang patuloy na paglaban ng mga organisasyon at indibidwal na kasama natin ay hindi lang nagbibigay ng inspirasyon.  Ang tagumpay ng kanilang pagsisikap ay nagiging pundasyon rin para sa pagyabong pa ng ating mga adbokasiya, at naghahatid ng pagbabago sa buhay ng mga kababaihan at kanilang mga pamilya.

 

---

Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook at YouTube (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). Sundan din ang aking social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTiktok, and Twitter.  Ipadala ang inyong mga suhestiyon at kuwento sa editorial@jingcastaneda.ph.

Show comments