Blood pressure

Ang blood pressure na lampas 140 over 90 ay maaring­ altapresyon na. Ngunit kapag pagod, nagalit o nag-eeher­sisyo, tataas din ang inyong presyon pero hindi ibig sabihin, high blood na. Dapat ang pagkuha ng blood pressure ay kung kayo’y nakapahinga na, walang ginagawa at relaks na relaks.

Ang normal na blood pressure ay mababa sa 140 over 90. Ang pinakamainam na blood pressure ay 120 over 80. Kung mas mababa pa rito ay okay din. Pero siyempre, ayaw nating sobrang baba ang inyong presyon (mas mababa pa sa 90 over 60) dahil baka senyales din ito ng mahinang puso.

Bakit nagkaka-altapresyon?

Dalawa ang pinanggagalingan ng altapresyon. Una, namana ninyo ito sa mga magulang. Pangalawa, nakuha­ n’yo ito sa maling pamumuhay tulad ng paninigarilyo, pagi­g­ing lampas sa timbang, pagkain ng sobrang alat at mata­taba at kulang sa ehersisyo.

Mayroon pang ibang mga dahilan na puwedeng magpa­taas ng inyong presyon gaya ng pagpupuyat, kulang sa tulog, laging nagagalit, sobrang init ng panahon, at sakit sa bato.

Walang sintomas ang altapresyon. Kadalasan, walang nararamdaman ang taong may high blood. Kaya nga tina­tawag na “silent killer” ang high blood pressure dahil nanga­nganib na pala ang buhay ng pasyente pero wala pang nararamdaman. Nakakatakot ‘di ba?

Pero may ilang tao ang nakararanas ng sintomas, tulad ng pananakit ng batok, mabigat ang ulo at pagkahilo. Masasabi kong mapalad ang taong may sintomas dahil mas ma­aga silang nakapagpapa-check up sa doktor.

Ang mga kumplikasyon ng high blood ay stroke, pag­ka­bulag, sakit sa bato at atake sa puso.

Magpatingin agad sa doktor kapag ang inyong blood pressure ay lampas 140 over 90 para mabigyan agad ng lunas.

Show comments