Natuto ang sinaunang tao magbilang gamit ang daliri. Tahimik sila kapag nangangaso para hindi mabulabog ang dadagitin. Sa dami ng daliring nakataas sinesenyas ng pinuno sa mga tauhan kung ilan ang natatanaw na usa na papanain nila.
Dahil sa dami ng daliri natuto ang tao magbilang ng tig-lima at tig-sampu. Kapag limang isda na ang ibinigay sa mamimili sinesenyas ang nakatikom na kamao, apat na daliring nakababa at nakapatong ang hinlalaki. Kapag sampu, dalawang kamao ang naka gan’ung porma.
Kinailangan ang ibang bagay para bumilang ng mahigit 10. Naimbento ang tara: apat na magkahilerang patpat na papatungan ng isa pa para 5. Dalawang tara ay 10, tatlo ay 15, atbp. Para hindi dayain ang bilang gumagamit ng sagradong bagay: tadyang ng yumaong ninuno.
Naimbento ang pagsulat. Gumawa ng simbolo para sa numero ang Hindus, Chinese, Japanese, Hebrews, Sumerians, Babylonians, Persians, Greeks, Incas, Mayas, Aztechs. Kadalasan ginagamit natin ngayon ang Arabic at Roman numerals.
Naimbento ang calculator. Nakabilang ang tao hanggang milyon, bilyon, trilyon, quadrillion, quintillion, hanggang infinity. Kaya repasuhin para matiyak na eksakto ang bilang.
Simple lang dapat ang gawin ng Comelec. Lihim ang pagboto, pero lantad ang pagbilang. Ipaalam kung paano gumagana ang vote counting machine. Isapubliko bawat antas, mula presinto, munisipyo, lungsod, probinsya, distrito, hanggang pambansa.
Ipakita ang transmission at reception logs sa bawat antas. Hayaan ang botante repasuhin ang talaan, lalo na ang presinto niya kumpara sa iba pa. Huwag sila itratong bobo-tante. Kundi’y baka nakatikom na kamao ng botante ang tumama sa mukha nila.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).