KUMPIRMADONG manunumpa sa kanyang bagong tungkulin si House Deputy Speaker Ralph Recto bilang Secretary of Finance kapalit ni Ben Diokno sa araw na ito. Bakit kaya siya papalitan?
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, napabalita ring sisipain ni Marcos si Diokno at ang ipapalit ay si Albay Rep. Joey Salceda, bagay na pinabulaanan ng Presidente. Sabi pa ng Presidente, buo ang tiwala niya sa kanyang Cabinet at hindi mabuting magpalit ng namumuno sa kalagitnaan ng pagsasaayos ng problema sa pamahalaan. “We have a good working team” aniya pa. Pero lumutang uli ang sinasabing “fake news” ng Presidente noon.
This time, kinumpirma ng misis ni Recto na si Batangas Rep. Vilma Santos Recto ang balita at ito nga ay opisyal nang ipinahayag ng Malacañang. Hindi si Salceda kundi si Recto ang ipapalit.
Kunsabagay, magaling si Recto sa fiscal management at mga gawaing nauukol sa pananalapi. Ngunit magaling din at di mapapasubalian ang kalibre ni Diokno. Pinamahalaan na niya ang Banko Sentral ng Pilipinas at naging Budget Secretary pa ni Presidente Corazon Aquino.
Nang hirangin ni Marcos si Diokno noon, natuwa ako dahil hindi niya inalintana ang katotohanang naglingkod sa dalawang administrasyong Aquino si Diokno. Baka may nag-udyok kay Marcos na dapat alisin na si Diokno dahil ito’y dilawan.
Napapaisip tuloy ang taumbayan: dahil ba ito sa kumakalat na balitang destabilization laban sa administrasyong Marcos? Your guess is as good as mine.