Eksayted na ang lahat para sa isang bagong simula ngayong 2024! Kaya naman, hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang ilang tips ni Feng Shui Master Hanz Cua, para mapuno ng positive vibes ang bagong taon, at maging mas maaliwalas at mas maswerte ito.
Sa bahay
Sa ating mga tahanan mismo nagmumula ang positivity. Kaya naman hinihikayat ni Master Hanz na gawin nating maliwanag ang mga kwarto sa ating bahay sa pagsalubong sa bagong taon. Kung may mga pundidong bumbilya, palitan ito agad para mamalagi ang swerte sa bawat sulok ng ating bahay.
Dito naman tayo sa kusina! Ang parteng ito ng ating bahay ay mahalaga din pagdating sa feng shui. Ang malinis na kusina ay hindi lamang kaaaya-ayang tignnan. Ito rin ay pinaniniwalaang nakakapaghatid ng mas maaliwalas na pakiramdam para sa buong tahanan. Kaya naman, mahalagang panatiliin natin ang kalinisan ng lahat ng ating mga gamit dito.
Para sa ating mga bedroom, hinihikayat din ang pagpapalit ng mga kumot, kobrekama, at punda ng unan. Para hindi lamang mahimbing ang tulog, kundi swerte rin sa paggising!
Maging listo sa mga tumatagas o may tulo na mga gripo, at ayusin ito bago sumapit ang 2024.
Nakasanayan na nating lahat ang paghahanda ng 12 na iba’t-ibang uri ng prutas sa pagsalubong ng bagong taon. Ngunit kontra sa ating nakasanayan, alam ninyo bang hindi kinakailangang bilog ang mga ito? Ayon kay Master Hanz, kahit hindi bilog ang hugis ay makatutulong pa rin itong maghatid ng swerte para sa 12 buwan ng darating na taon. At ito pa: magsama ng kiat-kiat sa mga prutas na ito—basahin hanggang dulo para malaman kung bakit!
Kung susumahin, hinihikayat tayo ni Master Hanz na tutukan ang general cleaning na isasagawa natin sa bahay. Maglinis, mag-ayos at maghanda para sa isang masaganang bagong taon!
Kasama ang pamilya
Alam nating lahat na pamilya ang tunay na diwa ng bawat pagdiriwang. Kaya naman, talagang nakakataba ng puso na marinig din mula kay Master Hanz na good feng shui ang pagkakaisa ng pamilya sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Nangunguna sa mga tradisyong ginagawa ang pagdarasal bilang isang pamilya. Kung pati ito ay kaya natin pagsaluhan, mas nagiging makabuluhan ang pagsalubong natin sa bagong taon na may baong pag-asa at kapayapaan.
Huwag din nating isaisantabi ang kahalagahan ng pagpapatawad at pakikipag-ayos sa ating mga mahal sa buhay. Sa kabila ng lahat, ang pagpapatawad ay hindi mo lamang regalo sa iba kundi para rin sa iyong sarili.
At para sa nakabubusog na bahagi --- ang ating Media Noche! Ang mga dapat nating isama, ayon kay Master Hanz, ay yung mga pagkaing sumisimbulo sa mga bagay na gusto nating mamalagi sa ating pamilya. Mula sa pancit para sa long life, hanggang sa kasaganahang hatid ng tikoy, bawat putahe ay may dalang blessing.
At sa pagpatak ng hatinggabi, sama-samang magsaboy ng mga barya at kiat-kiat papasok sa tahanan. Ito’y parang imbitasyon sa swerte, sa kasaganahan, at kasiyahan.
Para sa sarili
Habang ating isinasara ang kabanata ng 2023, salubungin natin ang 2024 nang may pusong puno ng pasasalamat at handang harapin ang 2024 -- pagsubok o oportunidad man ang dumating.
Bagaman nariyan ang feng shui na naghahatid ng swerte, tandaan nating ang mga ito ay gabay lamang. Ngunit kung gagawin natin ang mga ito ay wala namang mawawala, hindi ba?
Sa huli, nasa ating kamay pa rin ang ating kapalaran, at tayo ang may kakayahang gawing tunay na mas maaliwalas at mas maswerte ang ating buhay.
Tunay na nakaka-excite ang 2024! Sabay-sabay nating gawin itong isang taong hindi makalilimutan sa pamamagitan ng ating pinagsasaluhang mga kwento, aral, at pangarap.
I-click ito at panoorin ang interview natin kasama si Master Hanz sa aking YouTube channel.
___
Sundan ang aking social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter at Kumu. Ibahagi ang inyong mga mungkahi at reaksyon sa editorial@jingcastaneda.ph. Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook, YouTube, Kumu, at Jeepney TV (sa SkyCable Channel 9, GSat Direct TV Channel 55, at Cignal Channel 44, tuwing Sabado 5 p.m.).