May belen ba sa iyong bahay o paaralan?

Nu’ng bata ako, dekada ’60, panahon na ng Pasko kapag nilabas ang dalawang palamuti: belen at parol.

Cardboard cutouts lang ang unang belen. Pero makulay at kumpleto sa lahat ng karakter at elemento. Pang bahay at silid-aralan.

Sa dakong kanan ng sabsaban ang Tatlong Hari na may regalong ginto, mira at kamanyang. Sa kaliwa ay apat na pastol; may kalong na kordero sa balikat ng pinakabata. Sa likod nakakoral ang kambing, baka at buriko. Gawing itaas ang isang anghel. Nasa gitna nakatayo si San Jose, nakaupo sa sakong si Mama Mary kalong-kalong si Baby Jesus.

Nauso ang belen na gawa sa babasaging chalk o manipis na ceramic. Dahan-dahan kaming magkakapatid maglatag nito sa gitna ng sala, kasi baka mapingas. Dis­yembre 1 pa lang nakaayos na lahat. Pero si Baby Jesus ay Disyembre 25 dinaragdag sa eksena.

Matitibay ang mga parol noon, maski kawayan at papel de hapon lang. Maingat itong sinasabit sa kisame sa labas ng bintana. Kung may budget, pinapalibutan ng de-kolor na ilaw. Tinuruan kami sa paaralan gumawa ng parol.

Dekada-’80 nauso ang parol na plastic. Mabibili sa tindahan na meron nang ilaw paikot at sa loob. Nagbi-blink pa.

Sa siyudad lang noon may Christmas Tree. Halaw ito sa Tannenbaum ng Germany na sumikat sa America. Nu’ng una mga punong agoho ito, pero makalat ang dahon at peligroso sa sunog. Kaya nauso rin ang gawang plastic.

Sa masisikip na apartment, ang Christmas Tree ay nakasabit sa kisame. Sa ilalim nakatipon ang regalo ng magkakapamilya sa isa’t isa. Bago mag Christmas break may monito-monita exchange gifts ang magkakaklase. Sa araw ng Pasko binubuksan ang mga regalo sa bahay.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)

Show comments