Matagumpay na naisagawa ang Global Peace Media Forum ng Global Peace Foundation -- isang international non-profit organization na nakatuon sa pagsusulong ng kapayapaan. Layon ng programa na tipunin ang ilan sa mga media professionals sa iba’t ilang larangan para alamin kung paano makatutulong ang industriya sa pagtamo ng pandaigdigang kapayapaan, lalo na sa gitna ng napakaraming mga pagbabago dala ng teknolohiya.
Isa ako sa mga pinalad na naimbitahan, at nais kong ibahagi sa inyo ang ilan sa aking mga naging paglalahad ukol sa papel ng media para sa kapayapaan.
Ebolusyon ng media
Isang malaking biyaya na kabilang ako sa henerasyong nakasaksi sa ebolusyon ng tradisyunal na pamamahayag, patungo sa tinatawag na ‘new media’ nang dahil sa digital revolution.
Ang mga miyembro ng tradisyunal na media na tulad ko ay hindi lamang naging tagamasid sa ebolusyong ito, kundi pinasimunuan at hinubog din namin ito.
Naaalala ko pa ang mga pinakaunang araw ng aking karera sa ABC News sa New York City noong 1990s, kung saan ang nonlinear editing ang pinakamodernong teknolohiya sa broadcast media noong mga panahong iyon. Pero napakalayo pa rin nito sa mga advanced na gamit na mayroon tayo ngayon.
Mula Amerika, nang magtrabaho ako sa ABS-CBN pagbalik sa Pilipinas, tulad ng inaasahan, medyo nahuhuli tayo pagdating sa broadcasting technology. U-matic tapes at linear editing ang ginagamit natin noon.
Ngayon, pagkatapos ang aking mahigit dalawang dekada sa TV, radyo, at "Teleradyo," nasaksihan natin ang napakalaking pagbabago kung paano ginagawa at ipinapalaganap na rin ang balita at impormasyon sa digital platform at social media.
Ang pagiging mamamahayag ang isa sa aking mga pinamalaking biyaya. Ito ang nagbigay-daan para ako’y maging saksi at mananalaysay ng mga pinakamahahalagang kabanata sa ating bansa at sa buong mundo. Higit sa lahat, ito ang nagbigay sa akin ng pagkakataong makapaglingkod sa ating mga kababayan.
Maaaring hatiin sa tatlong bahagi ang aking pagyakap sa digital platforms -- bago ang pandemya, sa panahon ng pandemya, at pagkatapos ng pandemya.
Noon pa man, bago ang pandemya, ginamit ko na bilang simpleng extension ng aking trabaho at serbisyo-publiko ang Facebook. Nagsimula ako sa pagbahagi ng clips ng aking mga ulat at kuwento mula sa TV Patrol, Salamat Dok, Umagang Kay Ganda, Balitang Middle East, Bantay Bata 163, at iba pa. Dahil nakatutulong sa aking followers ang mga impormasyong inilalagay ko sa aking Facebook, unti-unting dumami nang aking followers hanggang sa umabot ito sa mahigit isang milyon.
Nang tumama ang pandemya, nagsimula akong gumawa ng mga nakakaaliw pero informative na online shows na nakatuon pa rin sa mga adbokasiyang malapit sa aking puso -- kalusugan, pamilya, kapakanan ng mga bata at kababaihan, at siyempre, current events. Pumapalo ng halos 20M ang aking reach! Higit sa lahat, nadagdagan ang aking mga paraan ng paghahatid ng tama at praktikal na impormasyon para sa ikatitibay ng pamilyang Pilipino.
Mapalad din akong magkaroon ng isa pang platform nang ako ay naging regular na kolumnista para sa Philstar.com at Pilipino Star ngayon.
Sa patuloy kong pagpupursige sa multimedia career na ito, sinusunod ko ang prinsipyo ng pagiging isang "tradigital" journalist – isang salita na aking inimbento. Ibig sabihin, sinusunod ko ang disiplina ng tradisyunal na mamamahayag na naglalahad ng totoo at beripikadong impormasyon, pero sinasamahan ko ito ng pagiging ’interactive’ na katangian ng digital media.
Ang kolaborasyon ng tradisyunal at social media
Bakit napakahalaga ng kolaborasyon sa pagitan ng tradisyunal at social media sa ating adbokasiya para sa kapayapaan?
Bilang mga propesyonal na miyembro ng media, kailangan nating tiyakin na ang mga mensaheng ipinapalaganap natin sa lahat ng ating platforms ay puno ng pag-asa, kapayapaan, inspirasyon, at pagmamahal.
Kamakailan, nagkaroon ako ng pagkakataong makipag-usap sa mga pinuno ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at malinaw ang kanilang nagkakaisang pangarap -– ang isang progresibo at modernong rehiyon.
Ngunit batid nating lahat na ang pangarap na ito ay hindi maaaring maisakatuparan kung walang kapayapaan.
Gaya ng natutunan natin mula sa pandemya ng COVID-19, higit sa pagkain at kabuhayan, pag-asa at inspirasyon ang mas kinailangan ng mga tao.
Bilang media practitioner, taglay natin ang ating natatanging kakayahang mailarawan ang mga kuwento na maaaring gumising sa imahinasyon ng madla at magpa-apoy sa damdamin ng publiko para makapagsama-sama sa iisang layunin. Katulad na lang ito sa pagbabayanihan ng mga Pilipino pag may kalamidad. Nangangahulugang maaari rin tayong magkaisa kung kinakailangan upang ipaglaban ang kapayapaan.
Ngunit saan tayo magsisimula?
Katatagan para sa pamilyang Pilipino
Ang isang paraan ay ang pagpapalakas ng pangunahing yunit ng ating lipunan: ang pamilya. Sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga binhi ng kapayapaan sa loob ng ating pamilya, mas madali itong lalaganap sa ating komunidad at sa ating bansa.
Mapalad akong naging bahagi ng aking trabaho ang aking mga adbokasiya -- ang kapakanan ng mga pamilya at mga bata -- nang ako’y imbitahan ng yumaong public service hero na si Gina Lopez na pamunuan ang Bantay Bata 163. Nabitbit ko rin ang adbokasiyang ito sa aking mga programa noon sa ABS-CBN News and Current Affairs.
Tinatalakay ng United Nations’ Sustainable Development Goal-16 (SDG-16) ang kahalagahan ng proteksyon ng mga pamilya at mga anak para sa pandaigdigang kapayapaan. Ang mga pamilya ang pangunahing guro sa buhay ng bawat bata, at sa pamamagitan ng pag-ukit sa kahalagahan ng kapayapaan, ang mga pamilya ay nag-aambag sa paghubog ng mga instrumento ng kapayapaan at pagbabago.
Ang pagpapatatag sa pamilyang Pilipino ang dahilan kung bakit ko inilaan ang malaking bahagi ng aking buhay at karera. Isa itong adbokasiya na nais kong ibahagi sa aking mga kapwa propesyonal sa media. Kung tutuusin, hindi ba’t tayong lahat ay bahagi ng iisang komunidad, pinag-isa ng ating mga tungkulin bilang isang kapamilya, kapuso, at kapatid?
Ang hamon para sa aming mga platform
Sa pagpasok ng social media, mayroon tayong kapasidad, hindi lamang para lumikha ng pagkilos para sa kapayapaan, kundi magbigay ng inspirasyon at palakasin pa ang pag-asa.
Para magkaroon ng pandaigdigang kapayapaan, dapat nating kilalanin ang mahalagang papel ng mga bata at pamilya. Ang pagbibigay ng kapangyarihan sa mga pamilya na makapagbigay ng isang matatag at ’values-driven’ na kapaligiran ay isang importanteng hakbang tungo sa isang mas mapayapang mundo.
Ang layuning ito ay nangangailangan ng sama-samang pagsisikap mula sa atin. Sa pamamagitan ng paggamit ng ating ”tradigital’ platforms para pasiglahin ang matatag, mapayapa, at mapagmahal na pamilya, inilalatag natin ang batayan para sa mga susunod na henerasyon na maaaring mag-ambag sa pagbuo ng mas makatarungan at mapayapang mundo.
Handa tayong makipagtulungan sa lahat ng tao dito para masulit natin ang ating mga platform at lumikha ng mga content na nagtuturo, nagpapalakas, at nagbibigay ng kapangyarihan sa mga pamilyang Pilipino.
Sa puntong ito, nais kong pasalamatan ang mga nag-organisa ng event na ito, ang Global Peace Foundation Philippines sa pangunguna ni Ingill Ra (Global Peace Asia Pacific) at Aldrin Nituma (Global Peace Philippines) -- para sa pagsasagawa ng isang matagumpay na programa, gayundin para sa lahat ng pagkilos na ginawa ng foundation sa pagsusulong ng kapayapaan.
Magtulungan tayong lahat bilang mga tagapaglahad o communicators na nagkakaisa sa paglikha ng mga mensahe at content na nagbibigay-inspirasyon para sa pagpapalakas ng mga kilusan na bubuo ng isang mapayapang bansa.
___
Sundan ang aking social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter at Kumu. Ibahagi ang inyong mga mungkahi at reaksyon sa editorial@jingcastaneda.ph. Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook, YouTube, Kumu, at Jeepney TV (sa SkyCable Channel 9, GSat Direct TV Channel 55, at Cignal Channel 44, tuwing Sabado 5 p.m.).