Nitong nakaraang linggo ay tumanggap ng NCR Resilience Champion Award ang Makati mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Metro Manila Development Authority (MMDA), at United Nations Development Programme Philippines (UNDP PH). Ito’y bilang pagkilala sa epektibong pagpaplano at dedikasyon sa pag-mainstream ng Disaster Risk Reduction and Management and Climate Change Adaptation and Mitigation (DRRM-CCAM) sa Comprehensive Development Plan ng lungsod.
Tinanggap ni Vice Mayor Monique Lagdameo ang award para sa Makati City habang ako ay nasa Barcelona, Spain. Kasama rin sina Richard Raymund Rodriguez, Makati DRRM Head, at Engr. Merlina Panganiban, City Urban Development Department Head, sa mga dumalo sa awarding ceremony na ginanap sa Discovery Suites, Pasig City. Ang UNDP ay may apat na dekada na sa Pilipinas. Isa sa kanilang papel ay ang tulungan ang bansa sa capacity building at palawigin ang democratic governance, sustainable management of natural resources, climate change adaptation and disaster risk management, at resilience and peacebuilding.
Sa pagtanggap ng karangalang ito ay gusto kong purihin ang outstanding Disaster Risk Reduction and Management and Climate Change Adaptation and Mitigation plan ng ating lungsod. Ito ay nagsisilbing halimbawa at modelo sa ibang mga lungsod na nagsisimula pa lamang sa paggawa ng kani-kanilang mga programa.
***
Hindi man tayo pinalad na mag champion sa City Category sa World Smart Cities Awards kung saan ang lungsod ng Curitiba, Brazil, ang nagwagi, naging very fruitful naman ang aking pagdalo sa round-table discussion duon. Ang urban centers tulad sa Makati ang nagsusulong ng mga pagbabagong kailangan para sa isang sustainable future sa pamamagitan ng pinagsamang urban planning, sustainable transportation, renewable energy adoption, green building standards, waste management, at community engagement.
Ang mga inisyatibang ito ay hindi lamang nakakapagpababa ng carbon footprint, kundi nagpapatatag din ng resilient communities. Lumilikha ito ng pagkakataon para ma-debelop natin ang isang mas sustainable at environmentally-responsible urban future. Sa ginanap na diskusyon ay binigyang-diin ko rin na ang ating bansa ay maliit at hindi sing-asensado ng iba, ngunit pagdating sa natural distasters at epekto ng climate change, sanay na sanay na tayo. Sanay tayo sa bagyo, baha, at napakainit na klima.
Sa ibang bansa ay bago ang mga ito. Ang napaka-advanced na lungsod tulad ng Paris ay hindi sanay sa heat wave pero ang mga Pinoy, tinatawanan na lang ang sobrang init kapag summer. Maaaring nakakatawa ang kwentong ganito, pero ito ay malaking wake-up call na walang pinipiling lugar o estado ang climate change. Ang buong mundo ay makakaranas ng epekto nito, kaya naman isang tunay na nagkakaisa at solid na plano ang kailangan para harapin ang krisis sa climate.
***
Pasko feels na nga #ProudMakatizens! Nagbalik na ang nag-gagandahan at napaka-inspiring na mga pailaw sa Ayala Avenue. Tradisyon na nga ang street lanterns at mga dekorasyon sa lungsod, at nitong nakaraang linggo ay binuksan na ito bilang hudyat na simula na ng Christmas season dito sa atin sa Makati.
Napakarami naming sorpresa at regalong inihanda para sa inyo ngayong Pasko, kaya abangan ang mga susunod na announcement at update!