Noong nakaraang taon, nireport ng Committee to Protect Journalists (CPJ) na pampito ang Pilipinas sa pinakamasamang bansa para sa mga mamamahayag. Nangunguna sa listahan ang Somalia at sinundan ng Syria, Iraq, South Sudan, Afghanistan, Mexico, Brazil, Pakistan, Bangladesh, Russia at India.
Ngayong 2023, halos walang pagbabago ang turing sa Pilipinas na nanatiling isa sa pinakamasamang bansa para sa mga mamamahayag. Ang tanging nabago, pangwalo ang Pilipinas, umatras ng isang baytang. Ganunman, walang pagbabago sapagkat wala pa ring nakikitang proteksiyon para sa mga mamamahayag at nagpapatuloy ang pagpatay. Mistulang manok na binabaril at hindi naman nahuhuli at napaparusahan ang mga bumaril at ang utak ng krimen. Patuloy silang nakalalaya at walang indikasyon na maihaharap sila sa korte.
Sa administrasyon ni Pres. Ferdinand Marcos Jr., tatlong mamamahayag na ang pinapatay at ang mga ito ay hindi pa nalulutas. Hindi pa nakakakuha ng hustisya ang mga kaanak ng biktima.
Unang pinaslang ang radio broadcaster na si Rey Blanco ng Mabinay, Negros Oriental na pinagsasaksak noong Set. 18, 2022. Ang ikalawa ay ang veteran broadcaster na si Percy Lapid na binaril at napatay noong Okt. 3, 2022 sa BF Resort Village sa Talon Dos, Las Piñas. Ang ikatlo ay si Cresenciano Bunduquin, ng Bgy. Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro na pinagbabaril sa harap ng kanyang sari-sari store noong Mayo 31, 2023.
Ang pagpatay kina Blanco at Lapid ay wala pang malinaw na resulta hanggang sa kasalukuyan. Pawang may kaugnayan sa trabaho bilang mamamahayag ang nakikitang motibo sa pagpaslang kina Blanco at Lapid. May mga sinampahan na ng kaso sa Lapid murder at pinaghahanap na ng mga awtoridad.
May kaugnayan din sa pagiging mamamahayag ang dahilan ng pagpatay kay Bunduquin. Isa sa mga suspect ay namatay makaraang bungguin ng kotseng minamaneho ng anak ng biktima ang sinasakyang motorsiklo. Nakatakas ang gunman. Ayon sa report sumuko na ito at iniuugnay ang isang police official.
Si Bunduquin ay commentator ng DWXR 101.7.
Ang pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag sa Pilipinas ay naganap noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao. Tatlumpung mamamahayag ang pinatay na ang utak ay Ampatuan clan. Nakakulong na ang mga Ampatuan.
Noong Hulyo 2022, sinabi ng Malacañang na maglalatag na ng mga bagong programa ang pamahalaan para maproteksiyunan ang mga miyembro ng media. Sa kabila nito, walang nakikitang proteksiyon ang mga mamamahayag at nababalot ng pangamba habang tumutupad ng tungkulin.