Kulay ng ihi

Ang ihi ay mula sa dugo na nasala sa kidneys. Bu­mababa ang ihi sa ure­ter at pupunta sa pantog. Ang ihi ay binubuo ng tubig, dumi tulad ng urea, asin tulad ng urates, ammonia, sobrang bitamina (B at C), mineral, protina (creatinine), taba, car­bo­hy­drates at gamot na ti­natanggal sa katawan. Gusto natin na magandang kalidad ng ihi kasi ibig sabihin ay natanggal maigi sa katawan ang mga dumi.

Ang normal na dalas ng pag-ihi ay pitong beses sa loob ng 24 oras. Pero ang apat hanggang 10 ay ayos na rin. ang normal na dami o urine output kapag sinukat ay 800 ml hanggang 2000 ml per 24 oras. Uminom ng dalawang litro o 8-10 baso ng tubig kada araw.

Kulay dilaw ang kulay ng ihi dahil galing ito sa pigment ng dugo. Kapag kulay pula o may dugo sa ihi, posibleng may sakit na cystitis o impek­siyon sa pantog mula sa bacteria. May kasamang lagnat, masakit na puson, madalas umihi, at masa­kit paglabas ng ihi.

Ang kulay ng ihi ay depende sa tubig sa ka­tawan. Kapag may puti ay posible na may nana o white cells o protina o taba. Pag kulay pink, pula o brown ay may dugo. Kapag naging red o brown, maaring sobrang bilirubin mula sa atay, o umiinom ng gamot na rifampicin. Kung kulay orange ay dehydrated, may sakit sa atay, o uminom ng gamot na primaquine, riboflavin, vitamin B2, o INH.

Nagiging blue o green ang kulay ng ihi dahil sa gamot, dye sa pagkain o food color, o sakit na familial benign hypercalcemia. Meron din gassy urine o may kasamang utot (pneumaturia) kapag nagkaroon ng koneksyon sa bituka at pantog tulad ng fistula, o koneksyon sa pantog at puwerta mula sa panganganak.

May pagkakataon na may kakaibang amoy ang ihi tulad ng amoy ammonia kapag may diabetes o kumain ng bawang, spi­nach, mushroom, kabute at vitamin B6.

Mahalagang paalala na kapag mabula ang ihi, magpa-urinalysis at blood test ng creatinine para ma­sigurado na walang protina sa ihi. Kapag may protina sa ihi, posibleng may sakit sa kidneys. Kumunsulta sa doktor.

Show comments