ANO ang lasa ng $300 bills? Tanging ang babaeng security officer ng Office of Transportation Security (OTS) ang makakasagot niyan. Nakunan sa CCTV sa NAIA Terminal 1 ang pagsubo ng babaing personnel sa $300 na ninakaw niya mula sa paalis na pasahero. Hindi pa malinaw kung paano niya nakuha ang pera. Baka nakuha sa pitaka o bag habang dumadaan sa X-ray.
Suspindido na ang security officer. Nagpahayag naman si Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista na ipataw ang pinakamabigat na parusa sa nasabing babae, para magsilbing babala sa mga kawatan sa NAIA na hindi pa nahuhuli. Sigurado marami pa riyan. Hindi na talaga nawalan ng mga kriminal sa NAIA. Mula sa tanim-bala noon sa bukas-maleta, kain-pera naman ngayon. Hirap na nga ang NAIA na baguhin at ayusin ang imahe nila, ganyan naman ang gagawin ng mga ito.
Hindi ito ang unang insidente ng pagnanakaw ng mga tauhan sa NAIA ngayong taon. Noong Pebrero, nawalan ng 20,000 Yen ang paalis na Thai national sa NAIA Terminal 2. Napasigaw na lang ang turista nang makitang nawalan na ng pera. Hindi alam ng dalawang babaing opisyal ng OTS, na naman, na nakuha sa video ang kanilang pagnakaw. Hindi CCTV ng NAIA ang nakakuha ng krimen. Bakit kaya? Ibinalik na lang ang pera nang ipakita ang video. Binantaan pa na buburahin ang nasabing video bago sila papayagang makaalis, pero nagawan pa rin ng paraan para makuha ang video. Sa Facebook ipinakita ang video kaya natural, napilitang kumilos ang OTS.
Noong Marso naman, ninakawan ni OTS security screening officer Valeriano Diaz Ricaplaza Jr. ng relo ang paalis na Chinese sa NAIA Terminal 1. Kuha sa CCTV ang pagkuha ni Ricaplaza ang relo mula sa tray na ipinapasok sa X-ray. Bakit kaya ibinunyag ng OTS ang pangalan ni Ricaplaza sa publiko pero hindi ang pangalan ng mga babaeng kriminal? Lahat sila ay suspendido at sana ay mapatawan ng nararapat na mabigat na parusa.
Mahalaga talaga na kunan ng video ang iyong kagamitan habang dumadaan sa X-ray. Pero paano mo naman magagawa iyan kung mag-isa ka lang at kailangan mong ilagay rin ang cell phone mo sa tray? Dapat may patakaran ang NAIA na ang pera at alahas ay hindi na kailangang idaan sa X-ray. Ilagay sa bulsa para siguradong hindi maaabot ng mga malilikot ang kamay.