Kaso ito ni Andy at Lina na umutang sa banko ng P10 milyon. Ang utang ay umabot sa P26 milyon sapagkat umutang muli sila sa loob ng apat na taon.
Bilang garantiya sinangla nila sa banko ang kanilang bahay at lupa. Noong hindi sila makabayad ng utang sinubasta na ng banko ang kanilang sinangla sa halagang P33 milyon.
Isang araw bago ang tinakdang subastahan, hiniling ng mag asawa na ipagpaliban muna ang pagsubasta ng tatlong lingo. Pagkaraan nito, tatlong beses pa ulit pinagpaliban ang subasta. Pero hindi pa rin sila nakabayad kaya sinubasta na ang kanilang bahay at lupa sa halagang P25 milyon at ito ay nirehistro sa pangalan ng banko.
Pagkaraan ay dinemanda nila ang banko, ang Sheriff at Register of Deeds upang pawalang bisa ang pagsubasta dahil ito daw ay hindi ginawa sa takdang panahon, sobrang patubo o interest, at taliwas na pagpirma sa “promissory notes”. Hiniling din nila sa korte na itakda ang tamang halaga ng kanilang utang.
Ngunit dinismiss ng RTC ang kanilang kaso. Pero binaliktad ng Court of Appeals ang desisyong ito at dineklara na ang pagsusubasta nga ay walang bisa dahil hindi tama ang paglalathala ng pagsubasta. Tama ba ang CA?
Mali, sabi ng Supreme Court. Hindi na maaaring usisaing pa ng mag asawa ang pagsusubasta ng kanilang bahay at lupa dahil sila mismo ang humiling na ipagpaliban ito ng tatlong beses kahit hindi na ito ilalathala muli. Ito ang doktrina na tinatawag na estoppel o ang paghadlang sa tao na kwestiyunin ang sarili nilang ginawa.
Si Andy at Lina ay hindi pumunta sa korte nang may malinis na kamay. Sila mismo ang humiling na ipagpaliban muna ang subasta kahit na hindi na ito muling ilathala. Lahat nang tao ay dapat maging makatarungan at maging totoo at may mabuting tiwala sa kanilang paggamit ng karapatan at pagtupad sa katungkulan (Security Bank vs. Spouses Mortel, G.R. 236572, November 10, 2022).