Tatlong gusot ang haharapin ng Department of Tourism kung ituloy ang pumalpak na “Love the Philippines” slogan.
Una, hindi na ito paniniwalaan. Pumalpak ang video dahil pumulot ng stock footages ng Indonesia rice terraces, mangingisdang Thai, Dubai sand dunes, Brazil beaches, at Swiss airport para itulak ang mga lokal na atraksyon. Tinuya na ito ng mundo. Maski inako ng ad agency ang mali, hindi naniniwala ang madla na walang sala ang DOT.
Bago pumalpak, positibong 77% ang pagtanggap sa slogan, ulat ng PRWeek sa pagsusuri ng Carma media-intelligencer. Nang mabunyag ang fake videos, bumagsak ito sa negatibong 34.7 percent; 3.7 percent na lang ang nahihikayat. Mabigat na kargo ito.
Hindi lang slogan ang pang-akit ng turista. Dapat maayos ang mga pasilidad at sasakyan, tulad ng sa Thailand, Indonesia, Singapore, Malaysia, Vietnam. Ni hindi asintado ang “Love the Philippines” target. Pang-alab daw ito ng damdaming Pilipino, ani Tourism Sec. Christina Frasco. Pangdayuhan ba ito o panglokal na turista?
Ikalawa, makakasirang puri lang ang “Love the Philippines”. Kopya lang ito sa “Love Cyprus” at “Love Barbados” tourism promos. Parang isina-bansa lang ang “Live, Love Liloan” ng bayan ni Frasco sa Cebu, na kopya naman sa “Live, Love Lebanon”.
Paratang na kopya lang sa Poland ang 2010 logo na “Pilipinas kay Ganda”. Inulit lang ng “It’s More Fun in the Philippines”, 2012-2022, ang 1951 “It’s more fun in Switzerland”. Ginaya ng 2017 “Experience the Philippines” ang pagbida sa turistang bulag sa 2016 “Meet South Africa”.
Ikatlo, maoobliga ang DOT bayaran ang ad agency, P49 milyon, para ilipat ang copyright. Maghahabol din ang agency ng kontratang production at media placements, tig-P250 milyon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).