Ang kasong ito ay tungkol sa isang puwesto sa isang gusali na may titulong nakarehistro sa pangalan ni Rosa. Pinaupahan niya ito sa kanyang manugang na si Rita, asawa ni Domeng na anak niya, para makapagbenta ito ng manok na kinatay. May usapan lang ang dalawa at walang kasulatan na pinirmahan. Umabot daw sa P73,000 ang utang na renta ni Rita sa kuwenta na P400 kada buwan sa loob ng mahigit 10 taon. Ang masama pa nito, may kalan na ginagamit sa pagsunog sa balahibo ng manok na naglalabas ng masangsang na amoy.
Nakaratay na lang daw sa kama si Rosa sa katabing kuwarto. Kailangan daw niya ang puwesto ni Rita para sa maayos na bentilasyon. Kaya pumunta siya sa barangay para magreklamo at utusan si Rita na kusang umalis sa puwesto pati bayaran ang renta. Pormal na nagsampa ng reklamo si Rosa sa korte o METC.
Sa sagot ni Rita sa reklamo, alam daw niyo na pag-aari ni Rosa at mga anak nito ang lupa na mana sa asawa ni Rosa. Hindi raw inayos ni Rosa ang paglilipat sa lupa at basta hinati sa tatlong bahagi. Isa ay ang puwesto na hawak nga niya. Hindi raw niya hawak ang puwesto bilang umuupa nito kundi bilang asawa ni Domeng na isa sa tagapagmana. Ang kaunting halagang binibigay ni Rita kay Rosa ay hindi raw upa kundi tulong na pinansiyal sa biyenan bilang pagtanaw ng utang na loob. Ang puwesto lang daw ang tangi nilang pinagkukunan ng ikabubuhay dahil mas malala na ang kondisyon ni Domeng na nasangkot sa isang aksidente kaya nakaratay din sa kama. Kaya hindi siya puwedeng palayasin nito.
Pagkatapos ng paglilitis, naglabas ng desisyon ang METC pabor kay Rosa. Pinaaalis sa puwesto si Rita at lahat ng kasama niyang may interes sa puwesto. Bayaran din daw ang renta at ibalik ni Rita kay Rosa ang posesyon ng lupa pati pagbayad sa gastos sa abogado. Pinayagan lang daw ni Rosa ang pagkuha ni Rita sa puwesto pero may karapatan ang babae na paalisin ang kanyang manugang. Kinatigan ng RTC ang desisyon kaya inakyat ni Rita ang usapin sa Court of Appeals (CA).
Habang nakabinbin sa CA ang kaso ay namatay si Rosa. Pumalit sa kaso ang kanyang apat na anak na lalaki sa pangunguna ni Juanito na isa sa tagapagmana. Hiningi naman ni Rita na ibasura ng korte ang kaso dahil ang tunay na may-ari nito ay si Domeng. Itinuring ng CA na ito ay isang pagbawi sa apela niya sa desisyon ng mababang hukuman kaya dapat daw igalang ang kautusan na umalis siya sa puwesto. Tama ba ang CA?
Mali, ayon sa Supreme Court. Hindi raw naintindihan ng CA ang intensiyon ni Rita sa pagsasampa ng mosyon. Ang mosyon daw ay paraan lang para ibasura ang kasong ejectment na isinampa ni Rosa at hindi para ibasura ang sariling petisyon ni Rita na may kinalaman sa desisyon ng METC at RTC na pinagbibigyan ang reklamo ng namatay na biyenan para paalisin siya sa puwesto.
Sa ilalim ng mga sirkumstansyang nabanggit, walang namagitan na usapan ng pag-upa kina Rosa at Rita. Walang katibayan na nagtiis ang biyenan sa paghawak ng puwesto ng kanyang manugang. Ang perang sangkot ay hindi bayad sa upa kundi tulong na pinansyal lamang. Halimbawa man na nagtiis si Rosa sa pagpuwesto ni Rita ay isa pa rin naman ang mister nito sa legal na may-ari.
Mula nang hawakan ni Rita ang puwesto ay nakarehistro na ito sa pangalan ni Rosa pero ang dapat tandaan ay hindi lang siya ang may-ari nito kundi pati kanyang mga anak. Malinaw na isa itong co-ownership at hawak ni Rita ang puwesto alinsunod nito. Ang dapat patunayan sa kaso ng illegal detainer ay ang pagtitiis ng legal na may-ari mula sa umpisa na magkaroon ng posesyon ang iba hanggang sa magsampa ng pormal na reklamo para patalsikin sa lupa.
Dito hindi nagtagumpay si Rosa na patunayan ang illegal detainer. Dahil nga hindi niya napatunayan ang pagtitiis sa pagkuha ni Rita sa puwesto mula sa umpisa, malinaw na walang kasong illegal detainer. Dapat lang na isantabi ang mga resolusyon ng CA at ibasura ang reklamo ng unlawful detainer laban kay Rita (Viray vs. Heirs of Viray, G.R. 252325, March 18, 2021).