Mga elitistang Senado

ELITISMO ang namamayani sa mga Senado ng iba’t ibang bansa. Di tulad sa mga Houses of Reps kung saan ang mga puwesto ay batay sa bilang ng distrito at botante, walang demokrasya sa pagpili ng senador.

Sa United States, halimbawa, tigalawang senador bawat state, malaki man o maliit ang populasyon at teritoryo. Pareho ang poder sa pambabatas ng Senado at House of Reps. Pero sa Senado magkatimbang ang boto ng dala­wang se­nador sa higanteng Texas at bulinggit na Rhode Island. Re­sulta: Naaagaw ng konserbatibong Republicans ang Senado, kaya umaangal ang mga progresibong Democrats.

Magkatimbang din ang boto ng dalawang senador ng populadong California at ng dalawa sa liblib na Wyoming. Kaya maaring hadlangan ng mga atrasadong states ang mga modernong states.

Ganundin sa South America. Ehemplo ang Brazil. Si­yamnapu’t siyam na beses mas marami ang botante sa Sao Paulo state kaysa Roraima sa kagubatan ng Amazon­. Sa House of Reps du’n, mas maraming kongresista mula sa Sao Paulo kaysa Roraima; pero sa Senado tig-isang senador sila. Kaya ibasura ng mayoryang senadores ng maliliit at atrasadong states ang mga panukala ng minor­yang senadores sa mga matatao at mauunlad na states.

Wala ring pinagkaiba sa unicameral parliaments ng Ghana at Zambia, Africa. Doon ay hindi batay sa populasyon ang representasyon, kundi sa probinsiya. Tig-isang member of parliament bawat probinsiya. Muli, maaring talunin ng mayorya mula sa maliliit at liblib na probinsiya ang menoryang malalaki at modernong probinsiya.

Mas malala sa Britain na bicameral parliament. Repre­sentatibo ang House of Commons. Pero hindi lahat ng miyembro ng House of Lords ay halal. Marami ay hinihirang ng monarch mula sa mga dugong aristokrato, mga mahistrado, at mga obispo ng Church of England. Sa Pilipinas parehong dynasts ang nasa House at Senado. Ang kaibahan lang ay halal sa distrito ang una at halal “at large” ang senador.

Show comments