Ngayong ipinagdiriwang natin ang Nutrition Month, naalala ko ang kasabihang ‘‘to keep the body in good health is a duty… otherwise, we shall not be able to keep our mind strong and clear.”
Ibig sabihin nito, nasa mga kamay natin kung paano magkakaroon at mapapanatiling malusog ang ating katawan, at kung hindi natin ito magagawa ay hindi rin tayo makakapag-isip at makakadiskarte nang tama. Nakadepende lahat ng ito sa ating kinakain at sa mga aktibidad na ating ginagawa sa araw-araw.
Susi sa magandang kalusugan ang healthy diet at healthy lifestyle. Kung hindi natin ito seseryosohin, baka humantong ito sa matinding karamdaman. Sa datos mula sa Vital Health Statistics noong nakaraang taon, ang mga pangunahing dahilan ng pagkamatay sa lahat ng edad at mga sakit gaya ng hypertension, diabetes at sakit sa puso ay ang kakulangan sa tamang nutrisyon.
Kaya minabuti ng pamahalaang lungsod na bumuo ng multi-sectoral nutrition approach na nakalinya rin sa Philippine Plan of Action for Nutrition, sa pangunguna ng ating Quezon City Nutrition Committee. Ilan sa mga hakbang na nakapaloob dito ang paglalagay ng 500 nutritionally-at-risk pregnant mothers sa ilalim ng Bundle of Joy Program. Bahagi nito ang dietary supplementation activities tulad ng urban farming at livelihood programs para mabantayan ang kanilang kalusugan.
Mayroon din tayong 35 ospital at 40 lugar ng trabaho na tinulungan ng nutritionists and dietitians para ma-accredit bilang Mother-Baby friendly. Nabigyang atensiyon din ang 95 porsiyento ng natukoy na malnourished na bata sa ilalim ng ating comprehensive child-care package noong nakaraang taon.
Nakalinya rin ang iba pang proyekto gaya ng paghahain ng mas masustansiyang pagkain at inumin sa mga pampublikong paaralan, pagpapaigting ng Human Milk Bank para sa mga nagpapadedeng ina, paglalagay ng malunggay gardens sa ating health centers, at libreng maintenance medicines sa ating QCitizens.
Malapit na ring ipatupad ang Calorie Labeling Project kung saan makikita na natin ang calorie count ng bawat inoorder natin sa mga restaurant. Ilalapit din natin ang murang mga gulay at prutas sa mga Qcitizens sa ating programang #QCitytoTable, sa tulong ng ating mahigit 700 na urban farms. Kalakip din nito ang mga recipe na masustansya at madaling ihanda.
Ang mga ito’y hakbang lang ng ating siyudad para maitaguyod ang tamang nutrisyon. Sa huli, nasa ating mga kamay ang tungkuling isulong ang malusog na kinabukasan, hindi lang para sa atin, kundi sa ating mga mahal sa buhay.