MARAMI nang nasampolan ang BITAG na mga abusado, bastos at nanggigipit na mga kolektor ng online lending applications (OLA).
Agresibo ang estilo ng pangongolekta ng mga putris na ito. Nilalabag ang privacy ng mga nangungutang. Kapag hindi ka agad nakapagbayad, ipo-post nila ang iyong pagmumukha at identidad sa social media. Pati mga anak at pamilya mo na walang kinalaman, lalaitin at ipahihiya.
Ang problema, hindi sila agad mahuli dahil mga fake account ang ginagamit nitong mga malikhaing bastos na mga kolektor. Ang nagturo sa kanila ng katarantaduhan, ang mismong mga bisor nila.
Ang kanilang estilo, pressure technique o matinding panggigipit. Sa kanilang lengguwahe, “bakalin mo.” Ibig sabihin, brasuhang paniningil. Huwag bigyan ng puwang na makatulog sa gabi, bombahin ng tawag, tormentohin ng husto at bigyan ng anxiety hangga’t sumuko at magbayad ng utang. Pati ‘yung mga character reference na walang kinalaman, bulabugin.
Ipinahihiya sa opisina, sa mga kaanak at ang masahol pa dito ipinahihiya sa buong barangay noong pobreng nangutang. ‘Yung iba namang kolektor estilong terorista. Nagbabantang papatayin ka o ‘di naman kaya ipapapatay ka at pupugutan ng ulo kapag hindi nagbayad. Ganyan kabastos ang mga putok sa buhong kolektor.
Prinsipyo ito ng mga tusong tsino na nasa likod ng OLA. Mga korporasyon na rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) na wala ring mga silbi, natutulog sa pansitan. Sa tuwing nagkakaproblema at mainit na itong mga OLA sa mga alagad ng batas at SEC, ambibilis nilang magpalit ng pangalan. At dahil bago na ang kanilang pangalan balik sa dating gawi.
Kayong mga nangungutang at umaasa sa online lending apps, kuwidaw! Huwag kayong magpapaniwala sa mga sophisticated advertisement nila sa YouTube na nagsasabing hindi totoo ang mga paninira sa OLA. Kulang na lang sabihin nila na hindi totoo ang mga pinagsasabi, nahuli, naipasara at naidokumento ng BITAG sa tulong ng mga alagad ng batas na mga bastos, demonyo at mga kampon ni satanas!
Marami pang mga bastos na kolektor ng OLA ang susunod na maghihimas ng matatabang rehas!