LAHAT naman siguro mabubuwisit, maiinis at tataas ang presyon kapag na-offload ka sa iyong domestic flight nang wala kang kasalanan.
‘Yung dali-dali kang pumunta sa airport pero pinag-antay ka nang matagal dahil delayed ‘yung eroplano. Maaga kang dumating para hindi ka ma-bumped off pero ‘yung biyahe atrasado.
Ilang oras kang nagtiyagang maghintay at pumila pero nung nasa check-in counter ka na malalaman mo na offload ka pala. Buwisit!
Ang mga airline crew naman hindi maipaliwanag ang sitwasyon kaya kung anu-anong rason ang pinagsasabi para pakalmahin ka.
Nakaka-relate ba kayo? Ganito ang sandamakmak na reklamo laban sa sinasabi kong airline!
Paglilinaw, hindi anti-business ang BITAG. Inilalantad lang namin ang hubo’t hubad na katotohanan base sa mga reklamo at sumbong ng mga totoong tao na kalbaryo ang naranasan dahil sa lintek na sistema ng airline na naging “systemic” o nakagawian na nila.
Nasanay na ang airline na ito sa kanilang mga kapalpakan. Ang mga pobreng pasahero wala namang choice kundi magalit at mabuwisit na lang.
Salamat naman at nakaabot na sa Senado ang mga nabuwisit na apektadong mga pasahero ng airline. Ngayong araw na ito, mag-uumpisa nang mag-imbestiga ang Senate Committee on Tourism at Public Services sa malimit na bulilyasong pang-o-offload at pag-o-overbook ng airline sa mga pasahero.
Mismong si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ang nagsabi. Bastos ang kompanya ng airline. Inuudyok at tinuturuan niya rin ang mga na-offload na pasahero na magdemanda para makakuha ng danyos perwisyos.
Ako man, may sad experience rin sa airline na ito. Hindi pa uso noon ang face mask. Noong in-flight at nasa ere na ako kasama ko ang BITAG Investigative team papuntang Cebu, amoy kubeta sa loob. Hinding-hindi ko makakalimutan!
Pero wala nang mas sasahol pa sa mga na-offload ng walang kasalanan! Bumili ng ticket, gumastos, nagmadaling pumunta sa airport, pumila at naghintay nang mahaba pagkatapos ang sasabihin lang ng empleyado ng airline hindi makakasakay. Putres na airline ‘yan!