Kahit sino ka pang talpulano, hestas, hudas o barabas, wala kang karapatang ipahiya ang sinuman, may utang man o wala.
Hinggil ito sa pamamahiya, pananakot at pagbabanta ng mga putris na mga bastos na kolektor ng mga online lending application (OLA). Hindi namin nilalahat pero karamihan sa OLA, bastos.
Tulad ng isang pobreng ginang na lumapit sa #ipaBITAGmo. Ginipit at pinagbantaan ng bastos na kolektor ng Suncash Lending Investors Corporation. Sarado na sila ngayon.
Kahit sinong makakarinig ng actual audio recording ng bastos na kolektor, talagang mabubuwisit at magagalit. Ikaw ba naman ang pagmumurahin at takutin.
Hindi lang ‘yan. Pinagbantaan din ng kolektor ng Suncash ang kanilang kliyente na pobreng ginang na empleyado ng Davao City Hall. Pupugutan daw siya ng ulo.
Marami nang reklamo ng pamamahiya at pananakot ng mga OLA collector ang inilapit sa BITAG. Itong Suncash hindi namin pinalampas.
Ako mismo, naglabas ng P50,000 reward money sa kung sinumang makapagbibigay at makapagtuturo sa bastos na kolektor ng Suncash na nagbanta sa ginang.
Matapos ang dalawang linggong surveillance, nilusob ng BITAG at Eastern Police District – Anti-Cybercrime Group ang main office ng Suncash Lending App sa Sampaloc, Maynila. Sa bisa ng search warrant napasok namin ang kanilang lungga.
Pati si Cong. Paulo Duterte nababahala na rin sa talamak na pangbabastos, pagbabanta at pamamahiya ng mga OLA collector sa kanilang mga kliyente.
Isinusulong ngayon ng kongresista sa Kongreso ang House Bill No. 6681 o ang Fair Debt Collection Practices Act na naglalayong maprotektahan ang mga nangungutang sa anumang uring pang-aabuso ng mga online lending app.
Kayo namang mga nangungutang, magbayad kasi kayo. Huwag ninyong gawing hanapbuhay ang pangungutang. Malilintikan din kayo sa akin!
Sa iba pang mga bastos na OLA d’yan, maluwag pa ang kulungan. Sige lang, tuloy n’yo lang ang kabastusan at katarantaduhan.
Marami pa ang mga susunod na masasampolan ng BITAG!