ISANG kaso ito tungkol sa paglabag sa RA 9262 (Violence against Women and Children Act) na patungkol sa pagkakaiba ng babae at lalaki, lalo sa hindi pantay na kapangyarihan sa kanilang relasyon. Ibig sabihin ay laging mas kawawa ang babae na madalas maging biktima sa karahasan. Layunin sa kaso na itama ang maling pananaw sa lipunan na ang lalaki ang laging lider, masugid, dominante at laging nagbibigay ng sustento sa pamilya samantalang ang babae ang tahimik na sumusuporta sa kanyang mister. Kaso ito nina Romy at Julie.
Si Romy at Julie ay kasal at may tatlong anak na nasa hustong gulang. May 33 taon na silang nagsasama at sa panahong ito ay madalas na direkta o hindi direktang ginagalit, kinukulit at hinahabol ni Romy sina Julie at mga anak nito. Naroon na magpadala siya ng mga malulutong na mura o panakot sa text message sa celpon pati sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan at kakilala na puro ang layunin ay apihin at takutin ang mag-iina.
Kaya nagsampa si Julie ng kaso sa RTC para humingi ng Permanent Protection Order (PPO) sa ilalim ng RA 9262. Pati humingi rin siya ng Temporary Protection Order (TPO) para pansamantalang huwag silang malapitan ni Romy. Dahil sapat naman ang nilalaman ng petisyon ay pinagbigyan ito ng RTC at naglabas ng TPO para itigil ang mga kilos at gawa na nirereklamo ni Julie.
Sa kabila ng sagot ni Romy sa kaso ay nagpatuloy ang paglilitis. Pinalawig ang TPO at ilang beses na binago bago tuluyang naglabas ng desisyon ang RTC. Nagbigay ng PPO at mahigpit na ipinagbawal ang anumang pananakot/karahasan na gagawin ni Romy sa pamamagitan ng komunikasyon kay Julie tulad ng paggamit ng telepono, celpon, fax machine, email at iba pa.
Agad din siyang pinaalis sa tinitirhan ni Julie pati pinagbawalan siyang tumuntong na mas malapit sa 500 metro mula sa gate ng bahay. Mahigpit din na ipinag-utos na lumayo siya kay Julie, kanilang mga anak pati mga kasambahay. Hindi rin siya puwedeng gumamit ng baril o anumang armas pati pinapadala ito sa korte upang ang hukuman ang magdispatsa nito.
Umapela si Romy sa Court of Appeals pero kinatigan ng CA ang hatol ng RTC. Ayon pa sa CA ay kasama sa Sec. 4 ng VAWC Law ang mga anak na nasa hustong edad. Kinuwestiyon ni Romy sa Supreme Court ang nasabing desisyon partikular ang hatol ng CA. Nang gawin daw niya ang sinasabing karahasan sa mga anak ay lampas 18-anyos na sila. Hindi raw ito papasok sa Section 3(h) ng batas na nagsasabing ang bata ay iyon lang 18 anyos pababa maliban na nasa hustong gulang na pero hindi nila kayang protektahan ang sarili.
Parehas pa rin ang naging hatol ng SC sa CA. Hindi naman daw naglagay ng pagkakaiba ang RA 9262 sa edad ng mga anak na sinasabing dapat protektahan. Sa Section 8 (d) ay nilagay lang na mga miyembro ng pamilya at kasambahay ang sakop ng protection order.
Sa ilalim naman ng Section 4 (c) ay nakalagay na miyembro ng pamilya ang mister, misis, magulang, anak, ninuno at kaapu-apuhan, pati kapatid maging buong kapatid o kapatid lang sa isang magulang kahit magkakasamang nakatira sa isang bahay o hindi. Kaya pag sinanbing miyembro ng pamilya ay hindi lang patungkol dito ang nasa Sec. 3(h). Nasa utak lang din ni Rom yang sinasabing pagkakaiba sa Sec. 3(h) at Sec. 8(d).
Malinaw na nakasaad sa batas na korte ang bahalang humusga kung sinong miyembro ng pamilya ang sakop ng protection order para mapangalagaan ang kanilang kaligtasan at hindi tuluyang masira ang maayos nilang pamumuhay. Dinidikta na luwagan ang interpretasyon ng batas para sa kapakanan ng mga miyembro ng pamilyang pinoprotektahan mula sa panganib at dahas.
Kaya ang desisyon ng CA ay sinasang-ayunan. Ang binago lang ay inutos na kumuha ng professional counseling si Romy mula sa isang ahensya o eksperto na tutulong para sa kanyang anger management (Estacio vs. Estacio, G.R. 211851, September 16, 2020).