SA kasagsagan ng pandemya noong 2020, naging problema ang transportasyon kaya marami ang gumamit ng bisikleta sa kanilang pupuntahan.
Sa panahong iyon, nakita rin ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang pangangailangan para sa protected bike lanes sa ating siyudad para maging ligtas ang Qcitizens sa kanilang pagbiyahe.
Dalawang taon ang nakalipas, umabot sa 93 kilometers ang protected bike lanes. Ngayong taon, nasa 167 na ang kabuuang national at city bike lanes. Bukod pa riyan, naglagay rin tayo ng 15 bike ramps sa ating mga overpass at underpass.
Pinagplanuhang maigi ang mga protected bike lanes para maging accessible sa commercial establishments at educational, government, medical at transportation facilities.
Bahagi rin ng ating programang ito ang paglalagay ng Bike Park sa iba’t ibang bahagi ng siyudad para may magamit na lugar sa pag-eehersisyo ang ating mga kababayan.
Kamakailan lang, binuksan natin ang Payatas Controlled Disposal Facility Bike Park o PCDF Bike Park na dating bahagi ng landfill ng ating siyudad na isinara noong 2010.
Noong 2020, nagtatag tayo ng isang Technical Working Group (TWG) na siyang mangangasiwa sa redevelopment ng dating dumpsite para gawin itong open space na magagamit sa mga aktibidad na may kinalaman sa kalusugan at kalikasan.
Bahagi ito ng ating 14-point agenda na maglagay ng tinatawag na “liveable, green, and sustainable city.”
Sa tulong ng ating mahusay na PCDF Technical Working Group, ang dating tambakan na nakakaapekto sa kalusugan at kaligtasan ay magagamit na ng QCitizens para manatiling malusog at aktibo sa kanilang pamumuhay.
Sa ating PCDF Bike Park, makikita ang 900-meter main beginner route, na sumasanga sa View Deck Route, Beginner Trail, at Perimeter Trail na naaangkop sa skill level ng ating mga siklista.
Ang Payatas Controlled Disposal Facility Bike Park ay isang matibay at malinaw na patunay sa buong mundo na kaya ng Quezon City na magtayo ng ligtas at luntiang mga komunidad.
Ang hamon sa ating lahat ay mapanatiling ligtas, malinis, at kaaya-aya ang pasilidad na ito. Tiwala ako na makikipagtulungan ang ating QCitizens para ito’y maisakatuparan.