Human at sexual trafficking, talamak sa Urdaneta City

LABINDALAWANG bar girls sa Urdaneta City, Pangasinan ang ni-rescue ng National Bureau of Investigation-Ilocos Region, Department of Social Welfare and Development-Region 1 at anti-human trafficking NGO-Exodus Road Philippines noong Martes.

Ang bar girls ay inilalako ng Shadow Restobar na nasa Zone 6, Bgy. Pinmalupod ng P3,000 bawat isa bilang “parausan”.

Tatlong empleyado ng restobar, kasama ang may-ari na si Emelie Bansagan ang kinasuhan ng Qualified Trafficking in persons at kasalukuyang nakapiit. Non-bailable ang trafficking in persons.

“Strike-two” na kung tutuusin ang Urdaneta City at ang lalawigan ng Pangasinan mismo, kung kampanya laban sa human at sexual trafficking ang pag-uusapan.

Noong Oktubre ng nakaraan taon, siyam na kababaihan ang ni-rescue sa pagsalakay ng NBI at DSWD sa Gravity restobar sa Bgy.Nangcayasan, Urdaneta City.

Parehas ang “modus operandi” ng Shadow at Gra­vity. Pagkapasok ng parukyano, bubulungan ng em­pleyado na mayroong maaring ilabas na Guest Relations Officer (GRO) sa halagang P3,000.  May kasamang prophylactics (condom) na ang deal.

Sa Gravity, sa loob mismo nito magaganap ang ­“panandaliang kaligayahan” samantalang sa Shadow, sa motel na nasa harap nito magaganap ang lahat.

Natutulog ba ang mga awtoridad at lokal na pamahalaan ng Urdaneta City? Nagpapabaya sila sa tungkulin. Tiyak ngayong nabulgar ang sexual trafficking sa siyudad maaring magturuan ang mga ito at magpapalusot na hindi nila batid ang problema.

***

Para sa suhestiyon:  art.dumlao@gmail.com

Show comments