Maraming police officials ang sangkot sa umano’y cover-up ng 990 kilo ng shabu na nakumpiska kay MSgt Rodolfo Mayo noong 2022. Nagbigay ito nang masamang imahe sa PNP. Makatwiran naman ang apela ni DILG secretary Benhur Abalos na magsumite ng resignation ang mga heneral at colonel. Tikom naman ang bibig ni outgoing PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr sa isyung ito. Sa Lunes ay magreretiro na si Azurin. Wala pang inihahayag kung sino ang papalit sa kanya.
Isa sa mga nangunguna para maging PNP chief ay si LtGen. Jonnel Estomo, kasalukuyang Deputy Chief for Operation ng PNP at madalas kasama ni DILG Sec. Abalos. Hindi matatawaran ang husay ni Estomo. Nang patayin ang broadcaster na si Percy Lapid, mabilis pa sa sikat ng araw na nakilala ang mga nasa likod ng krimen dahil sa mabilis na pagkilos ni Estomo.
Ang pagkasamsam ng 990 kilong shabu kay Mayo ang naging ugat sa imbestigasyon ng Senado na naglagay sa masalimuot na sitwasyon ng matataas na opisyal ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) at mga opisyal na itinalaga ni Azurin.
Umaasa ang madlang pipol na ang magiging kahalili ni Azurin sa Lunes ay opisyal na walang bahid o dungis. Nais nila na ang hihirangin ni BBM ay opisyal na malinis ang record, handang sumawata sa droga at organized crime tulad ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at iba pang elected officials. Dapat matuldukan na ang pamamayagpag ng riding-in-tandem sa bansa.
Kung magiging malamya ang kampanya ng PNP sa mga nagaganap na patayan at paglaganap ng droga, darami pa ang krimen. Abangan kung sino ang susunod na PNP chief.