Pagkain mula sa bakawan

EDAD-16 lang si Tyler Uy nang sumapi sa pagtatanim ng bakawan sa Noveleta, Cavite. Isang ektarya ang personal niyang naiambag sa proyekto ng mga kapwa-batang maka-kalikasan. Mabuting ehemplo.

Bawat ektarya ng bakawan ay nagdudulot ng 800 kilong­ pagkaing-dagat kada taon. Isda, hipon, alimango, tahong, kabibi, suso, salungo (sea urchin). Lahat sagana sa protein at iodine, mahalaga sa paglaki ng bata at paghubog ng utak.

Tirahan at itlugan din ng ibon ang bakawan. Dagdag itong pagkain. Hinahati ng bakawan ang dagat at lupa. Pro­teksiyon ito ng tao kontra bagyo at daluyong. Nagdudulot din ng lilim at ginhawa.

Kalahati na lang ang natitirang bakawan sa Pilipinas: 250,000 ektarya na lang, ani Uy. Sinusustento nito ang 200-milyong kilong pagkaing-dagat ng maralita taun-taon. Libreng social security, ika nga.

Dapat maibalik ang 250,000 ektaryang nawasak nang bakawan. Kung nakaisang ektarya ang masigasig na teenager, matutumbasan ‘yan ng 250,000 kasing-sipag na bata. Kapag makapagtanim sila ng ganu’ng karaming ektarya ng bakawan, madodoble sa 400-milyong kilo kada taon ng pagkaing-dagat para sa maralita.

Posible ito. Pinasyalan ko ang 379-ektaryang mangrove reforestation sa Prieto Diaz, Sorsogon. Kinalbo dati ng mga tao ang bakawan at ibenentang uling. Nagkasakit sila, nawalan ng pangisdaan, nangagutom. Pinamunuan ni Rustum Mirasol ang pagtanim ng 26 species ng bakawan at 800 ektaryang sagrass. Yumabong ang lamandagat at ibon. Naging pasyalan ng high school at college Biology students. Yumaman ang bayan sa turismo.

Maraming mangrove reforestations: 80 ektarya sa Paombong at 10 ektarya sa Hagonoy, Bulacan ng San Miguel Corp.; sa Lobo, Batangas ng Caltex; Silay City, ni Mayor Oti Mon­telibano; Quezon ni Gov. David Suarez; Manila Bay ni Sen. Cynthia Villar. Sumusustento sa maralita at dinadayo ng turista. Walang sinisira, di gaya ng Manila dolomite beach.

Show comments