Happy Easter, Proud Makatizens at Maligayang Araw ng Kagitingan sa lahat.
Makabuluhan ang nakaraang linggo para sa atin dahil sa pagdiriwang ng Mahal na Araw. Dito sa Makati, buhay na buhay ang mga tradisyon at kaugalian tuwing kwaresma. Sa kabila ng modernisasyon at mga bagong inobasyon, ang Makati ay nananatiling tapat sa ating panata sa Panginoon. Maaga ngang iginayak ang 71 kalbaryo sa Barangay Poblacion at Guadalupe.
Ngayong taon, umakyat muli ang dami ng mga munting kapilyang ito, na talaga namang ikinatuwa ko. Noong nakaraang dalawang taon ay kaunti lamang ang mga kalbaryo dahil limitado ang bilang ng mga taong puwedeng lumabas at makiisa sa pagdarasal at pabasa. Nang nag-ikot ako sa mga kalbaryo noong Huwebes Santo, nagalak ang puso ko na makita ang mga bata at matanda na nakiisa sa pagdarasal. Maliwanag ang mga kalbaryo at kay gaganda ng ayos ng mga bulaklak. Noong Good Friday naman, meron tayong prusisyon. Dito iniikot sa Makati ang mga karo na nagpapakita ng iba’t ibang yugto ng pagpapakasakit ni Hesus. Maraming deboto ang umiilaw sa mga karo at panata na ng iba ang pagsama sa prusisyon.
Para sa akin, magandang halimbawa ang mga kalbaryo at prusisyon sa ating mga kabataan. Bukod sa pagpapalawig ng mga tradisyon at kaugalian, isa rin itong paraan para mapalaki silang may takot sa Diyos at may matibay na pananampalataya. Gusto kong ibalik ang papuri at pasasalamat sa ating Panginoon sa napakalaking biyaya ng buhay at kalusugan sa ating lahat. Hindi biro ang sakit at hagupit na dinala ng pandemya, pero heto tayo at unti-unti nang nakakabangon. Malayo pa bago masabing totally recovered na, pero malayo na rin kumpara sa dati. Sana, sa ilang araw na pahinga nitong Holy Week, hindi tayo nakalimot magdasal at magpasalamat para sa lahat ng kaginhawaang ating tinatamasa.
***
Speaking of pasasalamat, hindi dapat kalimutan ang mga frontliner at unsung heroes natin sa Makati. Araw ng Kagitingan ngayon kaya deserve nilang batiin at kilalanin. Bukod sa ating kapulisan, mga bumbero, medical at emergency responders at traffic enforcers, gusto kong magpasalamat sa masisipag at walang sawang naglilinis ng ating mga kalsada at waterways. Maging ang mga nangongolekta ng basura ay dapat bigyan ng rekognisyon dahil 24/7 ang kanilang operasyon. Holiday man, umuulan, o katirikan ng araw, andyan silang lahat para magbigay ng tapat na serbisyo para sa ating Proud Makatizens. Special shout out nga pala sa mga lider at kawani ng Department of Environmental Services. Saludo po ako sa inyong sipag at dedikasyon sa serbisyo.
Kamakailan, tinanghal bilang Grand Champion sa dalawang kategorya ng DENR-NCR “Gawad Taga-Ilog 3.0” Search for the Most Improved Estero in Metro Manila” ang Makati. Nanalo tayo bilang Most Improved Creek para sa PNR Creek sa Bgy. San Antonio at ang ikalawang award ay para sa Habitat & Resources Management din para sa PNR Creek. Ang tagumpay na ito ay tanda ng ating commitment sa environmental sustainability at sa layunin nating panatilihing malinis at dumadaloy ang ating mga waterways.