Bilang isang espesyalista sa puso, sari-saring sakit sa dibdib ang kinukonsulta sa akin. Sa aking pag-estima, 80 percent ng mga sakit sa dibdib ay walang kinalaman sa puso. Paano ko nalalaman na hindi sa puso ang problema? Nahuhulaan ito ng doktor sa pagkukuwento ng pasyente ng kanyang nararamdaman.
Kung ang sakit sa dibdib ay parang tumutusok, hindi iyan sa puso. Kung ang sakit ay nasa kanang bahagi ng dibdib, hindi rin iyan sa puso. Kadalasan ay nagmumula sa masel ng dibdib ang pagkirot. Baka natulog ka sa matigas na higaan. Baka nadaganan ni Mister. Baka nagbuhat ng mabigat at na i-sprain ang laman. Ang solusyon dito ay pahinga lamang. Puwedeng uminom ng mefenamic acid kapag makirot talaga.
May dalawa pang tanong para masuri kung galing sa puso ang pananakit. Una, kaya mo bang ituro ng isang daliri ang pananakit sa dibdib? Kapag naituro ng pasyente ito, hindi iyan sa puso. Ang sakit sa puso ay hindi maituro ng isang daliri.
Pangalawa, gaano ba katagal sumasakit ang iyong dibdib? Kapag wala pang isang minuto ang tagal ng sakit, siguradong hindi iyan sa puso. Ang tunay na sakit sa puso ay mula limang minuto hanggang 15 minutos lamang.
Ano ba talaga ang sakit na galing sa puso? Ang sakit sa dibdib ay sinasabing mabigat na parang may nakadagan sa dibdib na tumatagal ng lima hanggang 15 minutos. Dumarating ang sakit kapag napapagod, naglakad nang malayo o umakyat ng hagdan.
Madalas magkaroon ng sakit sa puso ang mga kalalakihan, mula 50 edad pataas. Kung may katabaan, may diabetes, o may lahi ng sakit sa puso, malaki ang tsansa na baka puso ang diperensiya. Sa ganitong sitwasyon, magpatingin sa doktor.
Pero kung bata ka pa naman, wala pang edad 30, lalo na kung babae ka, sigurado ako na hindi sa puso ang problema. Huwag mangamba.
Magpa-check sa isang espesyalista sa puso para makasiguro.