Lahat nang smuggler tinuturing na kriminal. Modus nila magpuslit ng kontrabando. Limpak na salapi ang kinakabig. Pero ibang uring smuggler si Brother Andrew ng Holland. Walang kinita, kadalasa’y abonado pa. Ang palihim na ipinasok niya kasi sa maraming bansang komunista nu’ng dekada-’50-’80 ay mga kopya ng Bibliya.
Hindi lantarang binawal ang relihiyon noon sa Soviet bloc. Pero kinontrol ito ng estado. Sa Czechoslovakia pinagre-renew ng lisensiya tuwing makalawang buwan ang mga ministro at kailangang aprubahan ng awtoridad ang sermon sa misa. Kung saan hindi madaig ang pagsampalataya, siniraan nila ang Diyos. Sa East Germany tinawag na “Welcoming Services” ang binyag; binawal ang abuloy sa kasal. Binansagang “hilo” ang mga sumasamba; maraming tinanggalan ng trabaho at kinulong. Pinagsuot ang mga bata ng pulang neckerchief para ipakitang duda sila sa mga “pamahiin” ng magulang.
Nang makita ni Brother Andrew ang maraming pula sa leeg ng mga bata isang Linggo sa Poland, naisip niya ang Pahayag 3:2: “Magbantay ka. Palakasin mo ang mga bagay na natitira na malapit nang mamatay.” Pinasya niya na ikalat ang Banal na Kasulatan.
Panganib ang sinalubong niya sa Yugoslavia, Macedonia, Bulgaria, Romania. Mapa-babae o lalaki napaluha sa galak makatanggap ng Bibliya sa wika nila. Nahawi ni Brother Andrew ang Kurtinang Bakal. Hindi pala sila napabayaan. Maraming “nakisabwat”. Umabot sila hanggang Russia, Ukraine, Cuba, Uganda, Middle East at China.
Batang namulat sa Diyos si Andrew. Maralita, halos walang makain ang anim na magkakapatid. Inaruga sila ng amang panday. Tuwing umaga nakikinig ng himno at homily sa radyo ang imbalidong ina. Maski mahirap, walang tinataboy na uhaw at gutom na pulubi o gypsy o misyonaryo. Nang tumanda siya, itinatag niya ang Open Doors charity para magsanay ng bagong henerasyon ng “smugglers”. Pumanaw si Andrew van der Bijl sa edad 94 nu’ng Sept. 2022.