Serbisyong Tulfo, Tatak Tulfo, Tulong Tulfo

Kaming magkakapatid na T3, ako, si Raffy at si Erwin, iisa ang dugo na nananalaytay sa amin. Serbisyong Tulfo, Tulong Tulfo, Tatak Tulfo.

Malambot ang puso namin sa mga inaapi at inaabuso. Marunong kaming umunawa, maawa, tumayo at magtanggol. Madali kaming lapitan, madali kaming takbuhan at madali kaming umaksyon.

Kaya nakakagalit kapag ang mga pobreng manggagawa lumalapit sa amin at isinusumbong ang mga putris nilang mga employer.

Araw-araw dinadagsa kami sa aming BITAG Action Center. Ang mga nagrereklamo at nagsusumbong galing sa Metro Manila at sa mga malalayong probinsya. Hinaing nila, hindi na nga sila pinapasahod nang maayos at tama, ninanakawan pa sila sa kanilang mga kakarampot na suweldo.

Kaya tama lang ang isinusulong ni Senator ‘Tol Raffy Tulfo na panukalang Senate Resolution No. 476. Ito ‘yung resolusyon para rebyuhin at pag-aralang maigi ng Wage Board ang kasalukuyang minimum wage sa buong bansa.

Tama nga naman. Dahil sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin o inflation, dapat makasabay ang suweldo ng mga pobre nating manggagawa sa gastusin. Sa madaling sabi, gusto ni Senator ‘Tol Raffy na mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga manggagawa partikular ‘yung mga kinikita kada araw ay nasa range ng P533 hanggang P570 lang sa NCR, at mas mababa pa sa mga probinsiya.

Ang nakakabuwisit na hubo’t hubad na katotohanan, marami pa ring mga employer ang hindi sumusunod sa mga batas at patakaran ng bansa ukol sa tamang pasahod. Marami pa rin ang mga nandaraya at nagnanakaw sa mga empleyado.

Nakasulat sa payslip binawasan ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG pero ang nalikom nilang kontribusyon, kinukupit. Hindi nire-remit sa gobyerno. Kapag tinawagan namin, saka lang magkakabukingan. ‘Yung pobreng empleyado na kinaltasan sa loob nang maraming buwan at taon wala nang napakinabangan. Dahil sa katarantaduhan ng mga amo.

Sana hindi natutulog sa pansitan ang Department of Labor and Employment (DOLE). Mandato at hurisdiksyon n’yo ang kapakanan ng mga manggagawa. Ito ang dapat ninyong nireresolba. Baka kasi pakuya-kuyakoy lang kayo diyan, pahilik-hilik habang nagpapalamig sa mga aircondition ninyong opisina. Sarap talaga ng buhay. Tsk…tsk!

Listo kayo. Tugunan n’yo ang mga hinaing ng mga pobreng manggagawa.

Sige Senator ‘Tol Raf, isulong mo lang ‘yan sa Senado.

Ako naman sa BITAG Live at #ipaBITAGmo, bubulabugin ko ang DOLE at iisa-isahin ko ang mga putris na mga employer. Aaraw-arawin ko silang pareho na para tayong mga bakulaw sa kanilang mga balikat para umikot ang kanilang mga tumbong at makuba sa kanilang panggagantso.

Show comments