Nakaaalarma at nakakatakot ang nangyaring malaking lindol sa Turkey at Syria noong February 6. Grabe ang pinsala sa buhay at ari-arian ng 7.8 magnitude na lindol, na sinasabing pinakamalakas na tumama sa lugar sa nakaraang 10 taon.
Sa Adiyaman province sa Turkey, mayroong 1,200 buildings ang gumuho, samantalang mahigit 3,000 iba pa ang heavily damaged. Ayon sa ulat ng The Washington Post, napakaraming vulnerable structures sa nasabing lugar at hindi ito naprotektahan ng pamahalaan sa mga nagdaang taon. Dahil dito ay mahigit 6,000 tao ang nasawi at libu-libo pa ang nawawala. Bilang mayor ay ayaw kong sapitin ng Makati ang ganitong katinding pinsala at trahedya. Mas pinipili naming pakinggan ang payo ng mga eksperto at maghanda na para sa 7.2 magnitude na lindol na maaaring mangyari dahil sa napipintong paggalaw ng West Valley Fault.
Kamakailan, nag-install tayo sa Makati ng 27 units ng earthquake recording device na tinatawag na accelerograph sa iba’t ibang pampublikong gusali. Ginagamit ang accelerograph upang patuloy na subaybayan at itala ang mga paggalaw at pagyanig ng lupa na maaaring magdulot ng pinsala sa mga gusali. Nagbibigay din ito ng real-time seismic data na nagiging basehan ng mga building administrator upang magsagawa ng evacuation o paglikas, at gumawa ng mga hakbang para sa building safety at security. Inilagay namin ang mga accelerograph sa mga gusaling nasa earthquake-prone areas, kabilang ang mga dinaraanan ng West Valley Fault at mga liquefaction-prone na barangay. Kinabitan nito ang mga paaralan at pasilidad na nasa high-risk areas para matiyak ang kaligtasan ng #ProudMakatizens.
Ang mga accelerograph ay naka-install sa Makati City Hall complex, Fort Bonifacio Elementary and High School, East Rembo Health Center, Unibersidad ng Makati, Ospital ng Makati, Comembo Elementary School, East Rembo Elementary School, Rizal Elementary School, Bangkal Elementary School, San Isidro National High School, San Antonio Village Elementary School, Maximo Estrella Elementary School, at Jose Magsaysay Elementary School. Gusto ko ring umapela sa mga may-ari at building administrators na maglagay din ng kani-kanilang accelerograph dahil ito ay requirement ng national government para sa mga gusaling mahigit 50 metro ang taas.
Ayon sa batas, lahat ng mga gusali at istrukturang higit sa 50 metro ang taas at mga komersyal na gusali na may occupancy na hindi bababa sa 1,000 tao, o may gross floor area na hindi bababa sa 10,000 square meters, ay kailangang mag-install ng ERI na alinsunod sa specifications na itinakda ng batas. Mayroon tayong 1,106 low-rise buildings, 551 medium-rise buildings, at 200 high-rise buildings sa Makati. Sa ngayon ay may kabuuang 144 na gusali sa Makati ang nakasunod na sa requirement na maglagay ng mga angkop na earthquake recording instruments.
Ginagawa natin ang lahat ng klaseng paghahanda sakaling magkaroon ng malakas na lindol o iba pang uri ng sakuna. Sa pamamagitan ng training, planning, at pag-i-invest sa modernong kagamitan, inihahanda ng Makati ang pamahalaang lungsod para agarang makapagpadala ng tulong at rumesponde sa mga residente kapag may emergency. Ang inyong mga Go Bags, helmets, at earthquake at fire drills training ay magagamit upang iligtas ang mga sarili at mahal sa buhay sa panganib. Sama-sama tayong magdasal na iligtas tayo ng Panginoon sa ganitong trahedya.