DAPAT papurihan ang ipinakikitang kasipagan ng mga opisyales ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) dahil sa walang humpay nilang pag-aabang sa mga pantalan at airport na pinagdadaraanan ng mga similya ng alimango. Nitong nakalipas lamang na mga araw sunud-sunod ang pagkumpiska ng mga opisyales ng BFAR sa mga similya ng alimango na kinabibilangan ng koto-kato at langaw-langaw na ididileber sa Roxas City, Capiz.
Ang Capiz ay walang breeding ground ng alimango dahil sa dynamite fishing na pinabayaan ng mga masisipag na opisyales ng BFAR. Kaya umaasa na lamang sa pag-angkat ng similya ng alimango sa Samar, Daet, Sorsogon. Catanduanes, Cagayan at Apari. Ang mga lalawigang nabanggit ay sagana sa similya ng alimango. Kapag nakapagsuplay ang mga ito sa lalawigan ng Capiz ay malaki ang maitutulong nito sa programa ni President Ferdinand Marcos Jr. sa food productions.
Pero sa mga sumunod na buwan, kakapusin na ang alimango sa Metro Manila dahil nga sa sobrang sipag ng mga opisyales ng BFAR sa pagharang sa mga similya na nagmumula sa Luzon at Eastern Visayas.
Para sa kaalaman ng madlang people, ang Roxas City ay itinuturing na seafood capital of the Philippine subalit umaasa lamang ng mga similya ng alimango na isinusuplay mula sa Luzon at Eastern Visayas. Kaya sa panghaharang ng mga taga-BFAR, malamang na titigil na sa pag-aalaga ang mga naghihikahos na fishpond raisers sa Panay Island lalung-lalo na sa Capiz. Wala na silang similya na maipupunla sa kanilang mga palaisdaan.
Kapag nakabili naman sila ng similya na tinuring na small, medium at large, abot langit na ang taas ng presyo nito. Isa pa, mahirap na ma-adopt ng similya ang salanity ng tubig sa mga palaisdaan sa Panay Island kaya naman umaasa sila sa similya ng langaw-langaw dahil madali nilang ma-clamatized sa tubig alat ng kanilang fishpond.
Ang Capiz ay agricultural land, dito nanggagaling ang sugar cane, palay, mais at root crops kaya mababa ang salanity ng tubig sa mga palaisdaan. Tuwing bubuhos ang malakas na ulan, madaling bumaha sa naturang lalawigan na ikinamamamatay ng mga alimango, sugpo at bangus dahil sa pesticide mula sa mga bukirin.
Kaya panawagan ng fishpond raisers sa BFAR, magtayo sila ng hatchery ng alimango upang magkaroon ng suplay ng similya at hindi na umasa pa sa ibang lalawigan. Nagkakaroon umano ng hokus-pokus sa paghihigpit ng BFAR. Kulang sa pag-aaral ang BFAR sa pag-aangkat ng similya ng alimango sa mga lalawigan sa Luzon at Eastern Visayas.
Bigyan nila ng ayuda ang mga naghihikahos ng mga mangingisda na umaasa lamang sa pakonti-konting huli ng similya ng alimango. Ang mga iniluluwal na similya ng alimango sa mga naturang lalawigan ay hindi naman lumalaki dahil kinakain lamang ito ng mga malalaking isda dahil mababagal itong kumilos.
Ang tanong ngayon sa BFAR, saan nila dinadala ang mga nahaharang na similya ng alimango sa Daet, Camarines Norte at Caticlan Port? Abangan!