SA katanungan kung umiiral ba ang demokrasya sa Pilipinas, ang sagot ko ay siguro. Iyan ay kung pagbabatayan ay ang kalayaan sa pamamahayag.
Ngunit dahil may mga mangilan-ngilan pa ring summary execution sa mga mamamahayag, baka hindi. Isa sa mga tinuturan ko ay ang pamamaslang sa kabarong mamamahayag na si Percy “Mabasa” Lapid kamakailan.
Sa kabila nito, wala pa ring takot bumanat laban sa sinumang opisyal ng pamahalaan, kasama ang presidente ang mga mamamayan. Manood ka sa mga political blogs ng mga dating sumusuporta kay Marcos Jr. na ngayo’y tinatawag siyang BBM as in “budol-budol man.”
Nu’ng panahon ni Presidente Marcos Sr., ang mga umuupak sa gobyerno ay tiyak na makukulong. Sa survey ng Social Weather Station, lumalabas na 89 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwalang buhay ang demokrasya sa Pilipinas.
Ang sabi nga ng isa sa mga founding fathers ng United States na si Presidente Thomas Jefferson “When the people fear the government. There is tyranny, but when the government fear the people, there is democracy.”
Hindi ko kasi masiguro kung may takot ang pamahalaan sa taumbayan na pinagsisilbihan nito. Tila kasi pareho nang hindi natatakot ang mamamayan at pamahalaan sa isa’t isa. Baka hindi na ito demokrasya kundi anarkiya. Huwag naman.