Bakit kinukulang sa galunggong?

Nakapagtataka. Bakit kinukulang tayo ng supply ng galunggong gayung napakalawak ng ating karagatan? Ang galunggong noong araw ay paboritong isda ng mga mahihirap dahil pinakamura. Noong dekada 70, natatandaan ko na ang isang tumpok ng isdang ito ay dalawang piso lang.

Ngayon, hindi na nalalayo sa halaga ng baboy ang galunggong na ang presyo ay P280 kada kilo. Ang pina­kamurang isda ngayon ay tilapya na P140 bawat kilo. Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, kailangang umangkat ang bansa ng galunggong para mapunan ang kakulangan ng isdang ito.

Ngunit sa lawak ng ating  karagatan na ang coastline ay mas mahaba pa kaysa Amerika, mahirap isipin na mag­karoon tayo ng shortage ng isdang ito o ng iba pang laman­dagat. Sabihin mang tinatakot tayo ng militar ng mga Intsik na mangisda sa West Philippine Seas, marami pang ibang fishing grounds sa ating karagatan.

Noong isang linggo ay dumating sa bansa ang mahigit 25,000 tonelada ng imported galunggong. Nagpapatupad daw kasi ng closed fishing season sa Palawan. Pansamantalang ipinagbabawal ang pangingisda para raw mag­karoon ng tsansang dumami ang galunggong.

Iyan nga kaya ang dahilan o baka dahil sa pananakot at panduduro ng mga Tsino na umaangkin sa ating terri­torial waters? Kahit may closed fishing season, kung ang mga Intsik ang magpapasasa sa panghuhuli ng isda, ganundin ang suma total.

Hindi lang galunggong ang aangkatin ng Pilipinas kundi iba pa na dating nahuhuli sa ating karagatan tulad ng mackerel at iba pa. Nakalulungkot talaga.

Show comments