Talagang todo balasa ang ginagawa ni Presidente Marcos sa mga ahensyang pang-seguridad ng bansa. Tanda kaya ito na talagang umiinit ang tinatawag na discontent sa hanay ng militar?
Una, ibinalik niya bilang Armed Forces chief of Staff si Gen. Andres Centino na noon pang Agosto ng nagdaang taon umalis sa tungkulin at tinanggal ang nakaupong AFP chief na si Gen. Bartolome Bacarro.
Matapos ito, nagbitiw ang OIC ng Department of National Defense na si Jose Faustino dahil diumano nagprotesta sa pagkakapuwesto muli ni Centino. Itinalaga ng presidente si Carlito Galvez na isa ring retiradong heneral bilang bagong Defense Secretary.
Ngayon naman, inalis sa kanyang puwesto ang UP Professor na si Clarita Carlos bilang National Security Adviser at ang ipinalit ay ang isa pang retired general na si Eduardo Año.
Palibhasa, inuulan ng batikos si Carlos sa social media. Hindi raw dapat maging tagapayong pang-seguridad komo isa itong “makakaliwa” at madalas salungat ang mga opinyon sa takbo ng isip ng presidente.
Kung ano man ang rason ni Marcos sa ginagawa niyang pagpapalit ng kanyang top officials, karapatan niya ito lalo pa’t kung totoong may namumuong banta sa kanyang liderato. Para sa mga Pilipinong nag-iisip, ang anumang rebelyon laban sa leader ng bansa ay isang sagwil sa pag-asenso ng bansa lalo na sa panahong dumaranas ang daigdig ng matinding krisis.