Enero 1 nang magkaaberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Nagkaroon ng technical glitches na naging dahilan para ma-shutdown ang operations sa airport. Walang makababa at makaalis na eroplano dahil putol ang komunikasyon. “Bulag” ang mga piloto dahil sa nangyari. Marami sa mga paparating na eroplano (international flight) ay bumalik sa pinanggalingang airport. Walang magagawa sapagkat hindi makabababa sa NAIA. Kaya pagod na pagod ang mga pasahero. Hindi nila inaasahan na sasalubungin sila ng kakaibang pangyayari sa Bagong Taon.
Nasa 56,000 na pasahero ang stranded at 361 flights ang apektado. Maraming pasahero na sa tindi ng puyat at pagod ay naglatag na ng karton sa malamig na flooring ng NAIA at nahiga para maibsan ang nararamdaman. Marami ang nakayupyop na lamang sa kung saan-saan at hindi alam kung kailan sila makakaalis. Wala namang nagpapaliwanag sa kanila ng mga nangyari.
Ang aberya sa NAIA ang target ngayon ng imbestigasyon sa Senado. Nararapat umanong malaman kung ano ang tunay na dahilan at nagkaroon ng aberya. Kailangang managot ang may kasalanan. Sana ay magkaroon ng saysay ang imbestigasyon at hindi maging katulad ng mga nakaraan na nauwi lang sa wala. Hindi rin nahalukay ang katotohanan. Ang nangyaring aberya sa NAIA ay malaking dagok sa turismo ng bansa. Sino ang gugusto sa bansa na dispalinghado ang airport. Dapat iprayoridad ang pagsasaayos sa airport.
Hindi rin naman magandang pasalubong sa mamamayan ang bigtime oil price hike kahapon. Ang gasoline ay tumaas ng P2.90 samantalang ang diesel ay P2.10. Binawi lang ang mga nakaraang rollback. Balik uli sa hirap ang marami lalo ang mga driver ng jeepney. Habang mataas ang gasolina, pinutol na ang libreng sakay sa bus carousel. Hindi magandang pagsalubong sa Bagong Taon ang mga nangyaring ito.