Apat na araw na lang at muli na naman nating ipagdiriwang ang pagsilang ng ating Tagapagligtas na si Hesus.
Kaiba ito sa mga pagdiriwang natin sa nakalipas na dalawang taon dahil ngayon, mas malaya na tayong nakakalabas para mamili ng panregalo at mamasyal kasama ang ating pamilya at mga mahal sa buhay.
Napakasaya ring pagmasdan ang pagbabalik ng makukulay na ilaw sa mga pasyalan at marinig ang tugtog ng mga kantang pamasko, kahit saan ka magpunta.
Ibig sabihin nito, buhay na buhay na naman ang mga negosyo na lubhang naapektuhan ng pandemya sa nakalipas na dalawang taon. Ang mga sektor na ito ang ating tinutukan nang husto sa paglulunsad natin ng ilang programa, tulad ng Pangkabuhayang QC, na nagbibigay ng puhunan at kaalaman sa mga micro entrepreneur at displaced workers. Dahil naisalba ang maraming negosyo, naiwasan natin ang malawakang pagkawala ng trabaho ng QCitizens.
Sa Phase 1 ng programang ito, nakapagbigay na tayo ng kabuuang P265 million sa 25,372 beneficiaries. Sa Phase 2, nasa 10,407 beneficiaries ang nabigyan ng P106 million na ayuda, kasama ang Department of Trade and Industry at ilang pribadong partners.
Ngayong taon, naglaan tayo ng P56.4 million sa Emergency Employment Program para sa mga nawalan ng trabaho. Nagsilbi silang bus drivers, encoders for QCID, contact tracers, vaccination assistants at urban farmers.
Pagdating naman sa kalusugan ng ating QCitizens, mula sa dating 6,000 ay umabot na sa 47,977 ang regular na nakikinabang sa libreng maintenance medicine program ng QC para sa senior citizens, PWDs at mahihirap na pasyente ngayong taon. Inaasahan natin na madaragdagan pa ito sa tulong ng pinalawak at pinalakas nating programang pangkalusugan sa ating lungsod.
Kulang ang kolum na ito para ilahad ang mga programa’t proyekto natin para sa QCitizens. Pero isa lang ang sinisiguro ng inyong lingkod: We have covered all bases at wala tayong naiwang sektor sa ating paghahatid ng serbisyo.
Bilang pangwakas, hayaan ninyong ako ang unang bumati sa inyo ng Maligayang Pasko. Hangad ko ang kalusugan, kapayapaan at pagpapala para sa lahat sa ating pagdiriwang ng napakahalagang araw na ito.