Content creation tips mula kay TikTok sensation Davao Conyo

Iba’t-ibang karakter ni Davao Conyo sa kanyang TikTok.

Dahil sa internet, naging posible para sa iba’t ibang mga tao mula sa iba't ibang panig ng mundo ang mapanood at marinig ng publiko. Dahil sa pagkakataong dulot ng teknolohiya, nakilala natin ang mga personalidad na tulad ng comedy content creator na si Phillip Hernandez. Mas kilala si Phillip, lalo na sa Tiktok, bilang “Davao Conyo,” na mula sa—tama ang hula mo!—Davao City.

Ang aming interview sa tahanan ni Davao Conyo, kung saan suot-suot ko ang isa sa mga ginagamit niyang wig para sa kanyang mga skit (R).

Paano nga ba maging isang matagumpay na content creator gaya ni Davao Conyo? Binisita ko siya sa kanyang bagong tirahan sa Taguig para sa aming interview sa Pamilya Talk at napag-usapan namin ang maraming bagay --- paano siya nagsimula, paano siya lumilikha ng magandang content na advertising-friendly din, ano ang kanyang creative process, at nagbahagi din siya ng ilang tips para sa aspiring content creators.

Ang pangarap daw talaga ni Phillip noong araw ay magtrabaho sa mundo ng advertising. “Mahilig talaga akong manood ng patalastas,” sabi niya. “Nae-excite ako sa thought na kung paano ipapasok ang brand [sa script].” Pinangarap niyang magsulat ng mga script para sa commercials. Aminado siyang minsan na rin niyang pinangarap na maging isang artista. 

Subalit dahil wala pang kursong advertising sa Davao noong panahong yun, nagpasya na lamang siyang kumuha ng kursong  Marketing na mayroong advertising subject.

Nagsimula siyang lumikha ng comedy videos noong 2017 bilang libangan. Naging patok ito sa kanyang mga kaibigan at ang daming shares sa Facebook. Doon niya naisip na madami palang naaaliw sa pagpapatawa niya. 

Noong simula, ang kalimitang ginagawa niya ay nagdu-dub siya ng mga pelikula sa Bisaya at Tagalog. Sa Davao, Davao Conyo ang tawag kapag pinaghahalo ang dialektong Bisaya at Tagalog. Napansin niyang may nagkokomento ng "Uy, Davao Conyo" sa kanyang videos. Kaya’t naisip niyang maganda itong screen name dahil madali itong tandaan. Mula noon, Davao Conyo na ang ginamit niyang pangalan. 

Mahilig mag-dub ng mga karakter sa Disney si Phillip, kaya kahit mga bata at mommy ay nanonood ng kanyang mga videos. Binabago rin niya ang script ng mga pelikula para maging mas relatable at nakakatuwang panoorin. Nitong huli, nag-viral ang kanyang mayaman series. “I do it in a light way na hindi naman nakakainsulto,” sabi niya.

Nagpatuloy lang si Phillip sa paggawa ng mas maraming content, at di naglaon, nakakatanggap na siya ng mga alok mula sa brands para i-promote ang kanilang mga produkto. Naisip niya, “Pwede pala.” Noong una ay hindi inakala ni Davao Conyo na mabibigyan ng pagkakataon ang isang probinsiyanong tulad niya na maging brand ambassador o endorser.

Sa ngayon, isa na si Davao Conyo sa pinakasikat na comedy content creators sa Pilipinas. Sa kanyang comedy skits, natupad na din niya ang kanyang pangarap na magsulat ng advertising scripts “Nadala ko [ang passion na ito] sa content creation. Sobrang pasasalamat ko din na I was able to find my voice,” sabi niya. 

Bakit parang hindi siya nauubusan ng ideya? Ang totoo niyan, sabi ni Philip, may mga pagkakataong napakarami niyang ideya, at mayroon ding mga araw na natutuyot din ang kanyang “creative well.”

Kaya’t ang ginagawa niya ay gumawa siya ng isang idea bank—isang notebook kung saan niya isinusulat ang ideya na maaari niyang magamit sa hinaharap. “Tapos iiwan ko lang siya. Pag may lumapit na sa akin na brand, pipili na lng ako sa mga naisulat ko.”

Nagbabasa rin siya ng mga artikulo tungkol sa ibang mga tao. “Hindi ko naman kilala lahat ng klase ng tao kaya’t kailangan kong magsaliksik.” Mapagmasid din siya. Kaya’t kung nakakita ka ng skit ng Davao Conyo na halos kapareho ng narinig mong pinag-uusapan ng mga tao sa BGC, alam mo na kung bakit. Isang mahalagang aspeto ng pagkukuwento, sabi ni Davao Conyo, ay dapat itong maging relatable. Sa madaling salita, mayroon itong ipinapakitang katotohanan. 

Merong content creators na sumasakay sa trending topics. Okay din naman daw ang gumawa ng ganitong videos, ngunit mas gusto niyang gumawa ng evergreen content o yung pwede pa din panoorin limang taon mula ngayon.

(L) Kasama ni Davao Conyo ang kanyang nanay at mga kapatid na babae (R) Ang talent agency na Republiq Group of Companies (RGC), ang nagsisilbing manager ni Davao Conyo.

Sa pagawa ng content para sa mga kliyente, mahalagang naniniwala siya sa brand o talagang ginagamit niya ang produkto na gagawan niya ng content, para natural ang dating at hindi pilit. “Pag alam kong sobrang hirap, hindi ko tinatanggap. Tulad ng alcoholic drinks. Na-try ko nang uminom dati pero hindi ako mahilig uminom,” sabi niya. 

Gusto rin niyang panatiliing wholesome ang content niya at mommy-approved. “Kasi mommy’s boy ako. So feeling ko, pag pasok sa panlasa ng nanay ang ginagawa ko, feeling ko nasa right track ako. Yun na ang naging mindset ko from the start. Nanonood din ang nanay ko ng mga videos ko,” sabi niya.

Hanggang ngayon, one-man team pa rin ang gumagawa ng videos ni Davao Conyo. Siya ang scriptwriter, ang aktor, direktor, at editor. Ngunit mayroon na siya ngayong talent agency, ang Republiq Group of Companies (RGC) na  siyang nakikipag-usap sa mga kliyente, lalo na kapag hindi na kaya ng oras niya. Lumipat na rin si Philip sa Maynila para mamuhay nang mag-isa at para din makapag-focus siya sa mga proyektong ginagawa niya.

Nagsisilbing magandang inspirasyon sa maraming Filipino content creators si Davao Conyo. Inamin niya Phillip na may pagka-ambisyoso siya at naniniwala siya sa tinatawag na power of manifestation. “So far nagwo-work lahat ang mga mina-manifest ko,” sabi niya. “Pero dapat may kasamang hard work yun. Hindi pwedeng manifest lang nang manifest.”

Narito ang ilan sa kulitan moments namin ni Davao Conyo: https://vt.tiktok.com/ZSRErcAX1/

Kakasa ka ba sa Pamilya Talk Teleprompter Challenge? Pindutin ang link para makasali!

--

Watch Pamilya Talk on FacebookYouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at editorial@jingcastaneda.ph.

Show comments