LAHAT tayo ay nakararamdam ng paghapdi ng sikmura. Kapag nalipasan tayo ng pagkain o dili kaya ay na-stress sa trabaho, parang makulo ang ating tiyan. Naglalabas kasi ng sobrang acid kaya humahapdi ang sikmura. Ang tawag dito ay gastritis at kung lumala ay puwedeng maging ulcer.
Hindi lang gamot ang solusyon sa paghapdi ng sikmura. Sa aking pananaw, mas maigi ang pagkain ng wasto:
1. Kumain sa tamang oras – Kumain ng pakonti-konti pero madalas sa isang araw. Halimbawa, kumain ng 7:00 ng umaga. Mag-saging ng 10:00 a.m. Mag-lunch ng kaunti lang. Magmeryenda ng tinapay ng 4:00 ng hapon. Mag-dinner ng 7:00 ng gabi. Kahit busy ka sa trabaho, huwag kalimutang kumain sa oras. Ingatan ang tiyan.
2. Saging at tinapay ang lunas – Napaka-healthy ng saging. Bukod sa madaling baunin at kainin, ang saging ay parang gamot na rin dahil natatapalan nito ang ating sikmura. Ang pandesal din ay maayos sa sikmura at nakakabusog pa. Araw-araw, saging at pandesal ang baon ko kapag maingay ang sikmura ko.
3. Uminom ng tubig pakonti-konti – Malaki ang naitutulong ng pag-inom ng tubig sa paglinis ng acid sa tiyan. Ang tamang pag-inom ay ang paglagok ng konting tubig bawat 20 minutos. Sa ganitong paraan, mahuhugasan at malilinis ang acid sa tiyan.
4. Umiwas sa pagkaing nakakahapdi ng tiyan – Umiwas sa maasim at maanghang.May mga pagkaing sadyang nakahahapdi ng tiyan. Umiwas sa mga sobrang spicy na pagkain. Ang sili, kalamansi, suka, sinigang na sobrang asim at pinapple juice na puro ay puwedeng magdulot ng paghapdi ng sikmura. Ang sobrang lamig na inumin ay nakakairita din ng tiyan.
Sa aking palagay, hindi na kailangan ng gamot sa ordinaryong paghapdi ng sikmura. Kumain na lang ng mga pagkaing ikaka-relax ng ating tiyan, tulad ng saging, tinapay, kanin, lugaw at gulay. At mag-relax din habang kumakain para hindi ma-stress ang ating tiyan!