Bukas, magtataas na naman ng presyo ang petroleum products. Ito ang ikalawang sunod na magtataas ang mga kompanya ng langis. Noong nakaraang linggo, mahigit P6 ang itinaas sa diesel. Sa laki ng itinaas, nabalewala ang rollback na ipinatupad sa mga nakaraang linggo sapagkat kinain din ng bigtime increase.
Umaray ang mga jeepney driver sapagkat balik uli sila sa dating kakarampot na kita sa maghapong pamamasada. Nadagdagan nga ang minimun na pamasahe pero agad ding binawi dahil sa magkasunod na malakihang fuel increase. Umano, mahigit P2 ang itataas ng diesel bukas at P1 sa gasolina.
Ang malaking dagdag sa presyo ng petroleum products ay naghahatid na naman ng pangamba sa publiko na maaaring humirit muli ng fare increase ang mga bus at jeepney drivers. Kapag nangyari ito, kawawa naman ang mamamayan na laging apektado ng pagtataas ng presyo ng langis. Posible ring tumaas na naman ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Habang patuloy ang pagtaas ng langis, patuloy namang sumasadsad ang halaga ng piso laban sa dolyar na sa kasalukuyan ay P59. May nagsasabing bago matapos ang 2022, magiging P60 ang $1. At ang nakahihindik na forecast, posibleng maging P100 ang bawat litro ng gasolina.
Kapag nangyari ang mga bangungot na ito, saan pupulutin ang mga Pilipino na sa kasalukuyan ay batbat ng utang. May panibagong utang ang Marcos administration kaya nadagdag ito sa malaking utang na ginawa ng dating administrasyon ni President Duterte.
Mas makabubuti na suspendihin ang excise tax na pinapataw sa petroleum products para bumaba ang presyo nito. Nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law) na puwedeng isuspende ang tax sa petroleum products kapag umabot sa $80 ang bawat bariles ng langis. Sobra-sobra na ang presyo ng langis kaya dapat nang suspendihin ang tax.
Maaari namang isuspende ang pagpapataw ng tax at kung bumalik na sa normal ang presyo bawat bariles ay saka na maningil ng tax. Ito lamang ang tanging paraan para mapagaan ang pasanin ng mamamayan. Sundin ang hinaing ng taumbayan na masyado nang nahihirapan sa pagtataas ng petroleum products.