Wala nang nakakaisip pa ng honeymoon-honeymoon. Mula nang naupo ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) ay trabaho agad ang inatupag ng kanyang team.
Ang pagiging handa ng ating bagong pamunuan ay dama rin sa agaran at propesyonal na reaksyon ng ating mga lider sa umusbong na isyu sa pag-angkat ng asukal. Ikinagulat man ng tao ang biglaang pagputok ng kuwento, agad kumilos ang Malacañang upang linawin at maituwid ang salaysayin.
Sa panig ng ating mambabatas na tumatayong mata at tainga ng botante, niregaluhan tayo ng House of Representatives ng propesyonal at determinadong pandinig sa isyu. Sa pangunguna ng batikang kongresista ng San Jose del Monte na si Cong. Florida Robes, nailarawan ng mabuti ng House Committee on Good government ang mga detalye ng insidente at sa pamamagitan ng pagbibilad ng totoong pangyayari, naipanatag ang ating pag-aalala.
Noong Lunes, wagi rin ang sektor ng edukasyon nang mabalik ang face-to-face schooling. Maayos at mapayapa ang naganap na exodus ng mag-aaral pabalik sa mga paaralan. Maging ang trapiko ay nakisama—patibay sa husay ng pagplano at implementasyon ng ating mga opisyal.
Hambing sa ibang bansa, medyo atrasado na rito ang pagbalik sa face-to-face classes. Dinesisyonan ng nakaraang administrasyon na maniguro upang makaiwas sa impeksyon ng virus. Ang epekto nito ay sa darating na panahon pa mararamdaman. Subalit malaking kawalan sa mga bata ang nangyari, sa kanilang academic at sa personal growth. Ang sinubukang distance learning naman ay hindi naging matagumpay dahil sa kakulangan ng teknolohiya.
Ilan lamang ito sa hamon na kailangan harapin ng pamahalaan upang palakasin ang ating education system. Deklarado si PBBM na isa itong prayoridad. Mismong si Vice President Sara Duterte ang inatasan na maiangat ang baitang ng ating mag-aaral sa mundo. Ang Kongreso naman ay sumabay na sa pagtatag ng Second Congressional Commission on Education upang maumpisahan na ang pambansang pagsuri sa ating kalagayan upang agad mabigyan ng karampatang atensiyon.