Merong isang bugoy diyan sa Angat, Bulacan na pumatol sa isang senior citizen dahil lang sa init ng ulo!
Nakausap ko ang kapitan ng nakakasakop na barangay, pareho palang mga tricycle driver ang dalawa. Ayon kay kapitan, muntik daw magkaroon ng “head on collision” sa daan ang 21-anyos at ang 74-anyos. Mantakin ninyo, muntikan lang pala!
Nag-init ang ulo dahil hindi napagbigyan sa daan. Ang biktima na senior citizen, sipa at suntok ang natanggap mula sa 21-anyos! Kung tutuusin halos parang apo na ni Lolo ang suspek dito, walang galang at nakakainit talaga ng ulo. Elderly abuse ito dahil may pananakit at pang-aabuso sa matatanda.
May karapatan bang manakit ang 21-anyos sa 74-anyos? Wala, sa sitwasyong ito, protektado rin ng batas ang senior citizens.
Nakausap ko mismo ang 21-anyos. Habang bata pa ‘to, putulan na dapat ng sungay. Mas malaking problema kasi kapag napabayaan at hindi nagabayan nang tama.
Matapos ang pananakit, dinala ang reklamo sa barangay. Malaki ang responsibilidad ng mga barangay official sa mga ganitong kaso, hindi lang basta paghaharapin o pagbabatiin ang dalawang kampo. Nararapat lang na tumayo ang barangay kung ano ang tama at ikondena ang mali.
Para naman sa mga kabataan o sa mga millennial kung tawagin, pasibol pa lang kayo. Magpakita kayo ng respeto sa mga matatanda, tandaan n’yo kayo ang susunod na henerasyon.
Hindi ako pumapatol sa bata pero isang mensahe ang iniwan ko para sa sigang 21-anyos. Kung hindi siya kayang disiplinahin ng kanyang magulang, ako mismo bilang ama ang magpapatino sa kanya.
Mapapanood ang kabuuan ng segment na ito sa aming YouTube online TV channel–BITAG Official na may title na: “Dala raw ng init ng ulo! 21-anyos na apo, nangako kay BITAG ‘di na uulit!”