NABISTO ng British intelligence unit M5 ang ilegal na donasyon sa ilang members of Parliament mula Chinese Communist Party. Idinaan ang pera sa isang Briton na imigrante mula China. Sikat na intelektwal ang imigrante, pinarangalan pa dati ni Prime Minister Teresa May. Natuklasan din ng American FBI at Canadian surveillance ang panunuhol ng CCP sa ilang kandidato at opisyales. Ganundin sa mga partido sa Australia at New Zealand. Pareho ang modus operandi: idinaan ang pondo sa mga imigrante at negosyanteng Chinese.
Hindi malayong nangyayari rin ito sa maliliit na bansa sa Asia, Africa at South America. Maraming marurupok na lider doon na handang ibenta ang kanilang mamamayan.
Pakay ng CCP na impluwensiyahan ang opisyales ng ibang bansa. Para ito isulong sa kani-kanilang gobyerno ang interes ng China sa ekonomiya, kalakalan, pautang, investments, kontrata, pulitika, militar at kultura. Estilo ito ng imperyalista.
Ang pag-iimpluwensiya ay espesyal na operasyon ng United Front Work Department ng CCP. Pinadadala sa abroad ang mga piling kadre ng CCP para sa sikretong misyon. Kinakaibigan nila ang mga pinuno ng China friendship societies at Confucius centers, at samahan ng mga negosyante. Ang mga kaibigang ito ang ginagamit na pang-akit sa opisyales ng mga pamahalaan.
Karamihan ng mga local Chinese na kinakaibigan ay tumatanggi. Nahahalata nila ang balaking komunista. Kaya nabibisto ng intel ang mga ahente at handlers mula sa UFWD.
Palusot ng mga nalalansing opisyales ay kesyo ginagawa rin ‘yon ng imperyalistang Amerikano. O, e ano ngayon? Gawain man ng Kano o CCP, mali ‘yon. Ang ilegal ay ilegal, sino man ang gumawa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).