WALA pang dalawang buwan ang administrasyon ni President Bongbong Marcos, may bumitiw na sa tungkulin dahil sa kontrobersiya. Nagbitiw si Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian noong Huwebes. Siya ang nag-apruba ng Sugar Order No. 4 o ang importasyon ng 300,000 toneladang asukal na tinutulan ng mga lokal na magsasaka ng asukal. Inaprubahan ni Sebastian ang importasyon nang hindi muna humingi ng awtorisasyon mula kay Marcos na siya ring kalihim ng agrikultura.
Pero ayon kay Senate President Migz Zubiri, kailangang imbestigahan ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na ayon sa kanya ay nagkumbinsi kay Sebastian na aprubahan ang ilegal na importasyon. Dapat din silang bumitiw at kasuhan dahil tila pinahiya nila si Marcos. Kasalukuyang wala namang kakulangan ng asukal ang bansa. Ayon kay Zubiri, maaaring ang nasabing importasyon ang “sendoff gift” para sa mga opisyal ng SRA na itinalaga ni dating President Duterte.
Nasa P50 hanggang P100 kada isang bag ng asukal ang kupit umano ng mga tiwaling opisyal ng SRA. May dalawang milyong bag kada 100,000 tonelada ng asukal. Kung 300,000 bag ang nakapasok, nasa P300 hanggang P600 milyon ang mabubulsa umano. Ang laking pabaon niyan. Nagmamatigas nga si SRA Administrator Hermenegildo Serafica dahil saklaw daw siya ng Republic Act No. 10149, o ang GOCC Governance Act of 2011. Hindi raw siya kailangang bumitiw kahit tapos na ang termino ni Duterte. Hanggang kailan pala siya diyan? Kung ganyang may kontrobersiya di ba dapat sinisibak na ni Marcos ‘yan?
Dapat lang maimbestigahan ang umano’y malalim na korapsyon sa SRA. Ang Senado at Kongreso ang nananawagan ng imbestigasyon. Katulad ng ginawang imbestigasyon sa mga paretirong chief of staff ng AFP sa administrasyon ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo. Naungkat ang tila pabaon sa mga magreretirong heneral. Nagpakamatay si dating AFP chief of staff Angelo Reyes sa kasagsagan ng imbestigasyon noong 2011. Naungkat ang pamimigay ng regalo sa mga nagreretiro ng imbestigasyong iyon, kabilang na ang euro generals ng PNP naman, kung matatandaan ninyo. Ganito rin ba sa SRA, kaya ayaw bumitiw sa posisyon? Sa halagang P300-P600 pabaon umano, dapat lang imbestigahan.