Nagkamali ang Duterte administration sa pinasok na deal sa pagbili ng 16 na Mi-17 helicopters sa Russia noong nakaraang Enero 2022 na nagkakahalaga ng P12.7 bilyon. Agad-agad na nag-down ng P2-bilyon ang Pilipinas na hindi muna inalam kung may mga problemang kahaharapin sa pagpasok sa helicopter deal. Nakatakdang ideliber ang unang batch ng helicopters sa susunod na taon.
Pero hindi na matutuloy ang deal sapagkat si dating President Duterte umano ang umatras sa pagbili ng mga helicopter. Ayon sa report, iniutos ng dating presidente na i-scrapped ang deal. Pinayuhan umano si Duterte ni dating Finance secretary Carlos Dominguez na posibleng maharap sa sanctions na ipapataw ng United States kapag itinuloy ang deal sa Russia.
Ayon kay Dominguez, kabilang sa sanctions na ipapataw ay ang pag-freeze ng mga bank accounts ng Pilipinas sa abroad at ang pagpigil sa remittances ng mga Pilipino mula sa U.S. patungong Pilipinas.
Ang pag-scrapped sa deal ay kinumpirma ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana, ngayon ay pinuno ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA). Ayon kay Lorenzana, tinerminate nila ang chopper deal noong Hunyo 25, 2022, limang araw bago bumaba sa puwesto si Duterte. Isa si Lorenzana sa signatory ng kontrata.
Ang nakadidismayang sinabi ni Lorenzana ay hindi niya alam kung mababawi pa ng Pilipinas ang paunang bayad na P2 bilyon sa Russia. Mukhang mahirap na raw mabawi dahil ang Pilipinas ang umatras sa deal. Mahaba-haba umanong negosasyon ang kakailanganin para mapapayag ang Russian government na ibalik ang P2 bilyon.
Kailangang pagsikapang bawiin ang binayad na bilyones sa Russia. Hindi biro ang halagang iyon. Maraming mahihirap ang matutulungan lalo pa’t ngayon ay salat na salat ang karamihan sa mga Pilipino dahil sa inflation. Hindi malaman ng kasalukuyang pamahalaan kung saan kukunin ang pang-ayuda sa mga naghihikahos na mamamayan. Pagsikapang bawiin ang ibinayad sa chopper deal. Gawin ang lahat nang paraan.