NGAYONG nag-lapse na ang Vaporized Nicotine and Non Nicotine Products Regulation Act (Senate Bill No. 2239) at naging batas na, walang ibang mahuhumaling sa bisyong ito kundi ang mga kabataan. Ang mga kabataan ang tiyak na tatamaan ng sakit na makukuha sa pagvi-vape. Wala itong ipinagkaiba sa sigarilyo. Pinaganda lang ang itsura pero ang pagsira sa katawan dahil sa pagkakasakit ay walang pagkakaiba.
Maraming na-shock makaraang maging batas ang Vape Bill. Inaasahan na ivi-veto ito ni President Marcos Jr. pero hindi niya pinakialaman kaya nag-lapse.
Mas mabigat naman ang ginawa ni dating President Duterte sapagkat hinayaan din ang panukala noong nakaraang Disyembre. Siya pa naman ang inaasahang magvi-veto sa Vape Bill pero wala siyang ginawa. Naniniwala pa naman ang marami na ibabasura niya ang panukala dahil galit siya sa mga naninigarilyo.
Nang ipasa ang Vape Bill noong nakaraang taon, maraming health advocates ang nangamba. Sinabi ng mga doktor na tulad ng sigarilyo, mapanganib ang paggamit ng vape dahil nagko-cause ito ng lung cancer. Ayon sa mga pag-aaral, ang vape ay may sangkap na chemicals na gaya ng nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na nagiging dahilan para ma-addict ang gumagamit.
Mariing sinabi ng Department of Health (DOH) na ang pagkakapasa ng Vape Bill ay kumukontra sa pinu-promote ng pamahalaan na mapangalagaan ang kalusugan ng publiko. Ayon sa DOH, nagtagumpay na anila ang bansa sa pagkontrol sa tabako pero nagkakandarapa naman para isulong ang paggamit ng vape.
Ang masama sa panukalang batas, binabaan ang edad ng mga kabataan na makabibili at makagagamit ng vape. Mula 21-anyos, ginawang 18-anyos ang puwedeng bumili. Ang hakbang ay malinaw na paghikayat sa mga kabataan na magbisyo sa halip na turuan na umiwas dito.
May nabiktima na ng vape noong 2018. Isang 16-anyos na babae sa Visayas ang nagkasakit sa baga makaraang makalanghap ng second hand smoke mula sa vape. Ayon sa report, nalanghap ito ng babae sa mga kasama sa bahay na gumagamit ng vape.
Sabi ng sikat na pulmonulogist at anti-tobacco advocate Dr. Maricar Limpin, ipagpapatuloy nila ang kampanya laban sa Vape Bill. Magtutungo umano sila sa Supreme Court.
Ito ang nararapat gawin. Dapat magkaisa at magsama-sama para labanan ang Vape Bill. Hindi ito nararapat. Nasa panganib ang kalusugan ng mga anak.