Carpal tunnel syndrome; Pasma

KUNG ang ugat (nerve) ay nabarahan o namaga, naka­aapekto ito sa pakiramdam at paggalaw ng kamay. Ang sobrang pressure ay maaring maging sanhi ng carpal tunnel syndrome. Kung ito ay hindi gagamutin, posibleng permanenteng masira ang nerve at muscle.

Ang mga factors sa pagkakaroon ng carpal tunnel syndrome ay ang mga mabibigat na trabaho dahil sa pressure sa ating palad, at ang mga paulit-ulit na pagbubuhat ng mabibigat at matinding pagkilos ng kamay.

Mga sintomas:

1. Tingling o pamamanhid ng hinlalaki, hintuturo, gitnang daliri, palasingsingan (hindi kasama ang maliit na daliri). Ang ganitong pakiramdam ay nararanasan sa gabi at paggising. Gayundin habang nagmamaneho, may hawak na telepono o diyaryo.

2. Pakiramdam na parang nanghihina ang mga kamay kaya may pagkakataon na nabibitawan ang hawak.

Tips sa carpal tunnel syndrome:

1. Ipahinga ang kamay—Sa bawat oras ng trabaho, magpahinga ng kahit limang minuto, dahan-dahang i-stretch ang palad at kamay.

2. Baguhin ang iyong mga gawain—Mas mabuti kung baguhin o ibahin ang mga gawain kung ito ay posible.

3. Ideretso ang kamay—Iwasang baluktutin ang palad ng pataas o pababa. I-relax o wag masyadong higpitan ang paghawak. Iwasang humawak ng mahigpit habang nagmamaneho, nagbibisikleta at nagsusulat.

4. Lagyan ng mainit ang kamay (hot compress)—Puwede ring magsuot ng gloves para mapanitiling mainit ang kamay at palad.

5. Gumamit ng wrist splint sa gabi para deretso ang porma ng kamay—Ang wrist splint ay nakatutulong upang mabawasan ang sakit o pamamanhid ng palad at kamay. Ang splint ay dapat na hindi sobrang sikip. Ayaw natin naka-baluktot ang kamay dahil naiipit ang nerve.

Kung ang sintomas ay lumalala, magpatingin sa doktor. Ang splints, therapy o injection ay puwedeng irekomenda ng doktor. Kung nawawalan na ng lakas ang kamay, puwede itong operahan kung kinakailangan

* * *

Pasma

Ayon sa mga paniniwala, ang tinatawag na pasma ay nagdudulot ng panginginig at pagpapawis ng kamay. Sumasakit at namamanhid din ang kalamnan.

Ngunit sa aking pag-aaral, maraming sakit ang puwede magdulot ng sinasabing sintomas ng pasma. Dapat iwasan natin ang mis-diagnosis o ang maling gamutan.

Kadalasan ay ito pala ang mga tunay na sakit ng pasyente. Halimbawa:

1. Arthritis, osteoarthritis at rheumatoid arthritis—Sumasakit, sumisikip at namamanhid ang kamay sa arthritis. Dahil ito sa pag-edad at sobrang gamit ng kamay at katawan.

2. Carpal tunnel syndrome—pamamanhid ng kamay ang sintomas dulot ng sobrang paglaba, at paggamit ng kamay sa trabaho. May naiipit na median nerve dito.

3. Hyperhidrosis o sobrang pawisin—Ito ay nagdudulot ng sobrang pagpapawis sa kamay at paa. Puwede sa nerbyos o namamana ito.

4. Lumbar and sacral disease—Sa manhid at masakit ang paa at binti, posible dahil may naiipit na ugat sa likod.

5. Diabetes—Ang diabetes ay nakasisira ng nerves at nagdudulot ng pamamanhid sa paa at kamay.

6. Parkinson’s disease—Isang sakit ng pag-edad na nanginginig ang kamay (tremors), at hirap maglakad na parang matutumba palagi.

7. Edema from heart and kidney disease—Ang manas ay puwedeng magmula sa sakit sa puso at kidneys.

8. Varicose veins—Laging nakatayo at nakaupo, at namamana rin ang varicose veins. Gumalaw-galaw at magsuot ng compression stockings.

Huwag balewalain ang mga naturang sakit at sabihin na pasma lang. Dapat matukoy kung anong sakit ito para magamot ng maaga at tama. Kumunsulta sa inyong doktor.

May mga ilang payo ang traditional medicine na puwede ring gawin at hindi makasasama:

1. Masahe sa kamay at paa.

2. Pagbabad sa tubig na may asin.

3. Pag-iwas sa malamig na tubig.

4. Magpahinga muna ng 30 minutes bago maligo.

Show comments