Sa larangan ng pulitika, walang forever. Nandiyan na ang paglundag sa ibang partido para masigurong hindi sila madedehado sa pakikipag-agawan sa nais na puwesto. Ang ilan naman sa mga ito ay upang magkamal ng pera mula sa pondo ng partido at siyempre kahit na laos na sa pulitika at sinusuka ng mga botante ay mabibitbit pa rin ito sa pagkapanalo. Ang masakit ay kapag nailuklok na ito sa puwesto ay tutuparin ang kanilang mga ipinangako noong kampanyahan.
Ngunit alam ba ninyo na may mga taong nagsusunog ng kilay sa pag-iisip ng mga programa ng isang pulitiko upang maging mabango sa mamamayan. Sila ang mga staff ng pulitiko na nagsusumigasig sa pakikipagharap sa mga tao na lumalapit sa tanggapan nito. Maging ang mga script sa speaking engagement at priveleges speech ay ginagawa nila upang makumbinsi ang taumbayan na may dunong ang pulitiko sa pagbalangkas ng batas.
Ang masakit kapag nagtapos na ang termino ng pulitiko ay adiyos na rin ang mga loyal staff niya. Maiiwang tulala ang mga ito. Hindi ko po nilalahat ang mga pulitiko kundi ‘yun lamang pong matitibay ang sikmura na umabandona sa mga kaawa-awang staff nila.
Napag-alaman ko na isang senador ang nagtapos na ang termino noong Hunyo 30 at kasabay na nagtapos ang trabaho nang kanyang mga staff. Wala nang pinagkakakitaan ang mga ito ngayon para sa kanilang pamilya. Kung ang ibang senador na hindi naman lider ng mataas na kapulungan ay nagbibigay ng P100,000 sa mga staff, ang senador na sinasabi ko ay walang binigay kahit singko sa kanyang staff. Ayon pa sa pagkakaalam ko, malaki ang pondo ng tanggapan ng senador.
Ano ba ito kagalang-galang na senador? Kaya hindi tuloy mapigilan ang pagkadismaya at galit ng mga staff ni dating senador na ang ilan ay kaanak pa nito. Kung ang ibang senador na nagtapos na ang termino ay natulungan ang kanyang mga staff na makalipat sa ibang bagong uupong senador, itong si Senador ay dedma lang.
Bukod dito. mayroon pang staff si dating senador na naka-hold over capacity para daw sa clearances at pag-aayos ng mga dokumento. Pero bakit may tauhan ito na hanggang Disyembre pa ang hold over. Mukhang may pinalad at mayroon namang nganga. At ang bali-balita, nailipat ang dalawang drayber ng kanilang tanggapan sa ibang opisina sa senado pero ang mga ito ay magsisilbi pa din sa kanya anytime na kailangan niya. Maliwanag na sa pulitika walang forever.