Si dating UP professor Clarita Carlos ang itinalagang National Security Adviser (NSA) sa papasok na administrasyon. At kahit hindi pa opisyal na nakaupo sa puwesto ay nagpahayag na ititigil na ang tinatawag na “red-tagging” ng kung sinu-sino at wala rin daw naitutulong ang ganyang pagbansag. Mga tamad lang daw ang basta-basta nagbabansag ng red-tagging dahil wala namang maipakitang ebidensiya na nag-uugnay nga sa mga komunista.
Si dating AFP chief of staff Gen. Jose Faustino Jr. ang itinalaga naman bilang kalihim ng Department of National Defense (DND). Ayon sa kanya, hindi rin siya sang-ayon sa red-tagging pero papangalanan ang mga grupong may kaugnayan o kaalyado ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Kalaban pa rin ng bansa ang mga komunista kaya magpapatuloy ito sa papasok na administrasyon.
Mga mabuting pahayag ito mula kay Carlos at Faustino. Sana nga ay matigil na ang red-tagging na laganap sa ilalim ng administrasyong Duterte. Mga katulad nila Lt. Gen. Parlade at Lorraine Badoy na kung sinu-sino na lang ang binabansagang komunista o may kaugnayan sa mga ito kahit walang matibay na ebidensiya. Sa ngayon ay may nagsampa ng reklamo laban kay Badoy sa Professional Regulation Commission (PRC). Hinihiling ng grupo ng mga doktor na suspindihin o kanselahin ang lisensya ni Badoy bilang doktor. Kabalintunaan nga na isang doktor ay napakadaling magbansag ng kapwa doktor na mga komunista. Ayon sa mga doktor, ayaw nang magsilbi ang maraming doktor sa mga lalawigan dahil baka mabansagang komunista at malagay pa sa peligro ang kanilang buhay. Tila ganito nga ang nangyayari.
Ang doktor ay nanumpa na tutulungan ang lahat, kahit sino pa sila. Kung nataon na komunista nga ang lumapit para humingi ng tulong sa doktor, kontra sa kanilang sumpa na tanggihan ito. At kung tulungan nga nila, hindi ibig sabihin mga komunista na rin sila. Iyan ang peligro ng red-tagging. Baka may heneral diyan tulad ni Jovito Palparan na idolo ni Badoy na magpapadampot na lang ng mga tingin nilang doktor na banta sa seguridad ng bansa.
Sina Karen Empeño at Sheryl Cadapan na hanggang ngayon ay hindi pa matagpuan matapos ipadampot ni Palparan. Banta ba sa seguridad ng bansa ang dalawang hindi armadong babae?