Ipinagdiriwang ngayon ang ika-124 na anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas mula sa mga Kastila. Idineklara ni Gen. Emilio Aguinaldo ang kalayaan sa balkonahe ng kanyang bahay sa Kawit, Cavite. Nakalaya ang Pilipinas sa mga Kastila makalipas ang 400 taon, pero napailalim din naman agad sa mga Amerikano at pagkaraan ay sa mga Hapones na binawi rin naman ng mga Amerikano noong 1945. Nang makahulagpos sa tatlong mananakop na bansa, hindi pa pala tapos ang pakikipaglaban ng mga Pilipino sapagkat may tatlo pang kalaban na mas mabigat pa yata sa mga nakalipas na mananakop. Walang iba kundi ang kahirapan, kamangmangan at korapsiyon.
Laganap ang kahirapan sa bansa. Kahit na hindi pa nananalasa ang pandemya noong 2020, marami na ang dumaraing sa hirap ng buhay. Marami ang nagsabi na sila ay nakaranas ng gutom. Sa mga surbey ng SWS at Pulse Asia, lagi nang marami ang nagsasabing nakararanas sila ng gutom at mayroong isang beses na lamang kumain sa maghapon.
Nang manalasa ang pandemya, lalo nang marami ang nagsabing grabe na ang kanilang nararanasang hirap sa buhay. Marami ang nawalan ng trabaho dahil nagsara ang pabrika. Lalo nang nadama ang hirap nang magsunud-sunod ang oil price hike. Sa unang quarter ng 2022, marami ang nagsabing nakaranas sila ng gutom.
Marami pa ring mangmang sa bansang ito. Maraming salat sa kaalaman na nagpapakita na may mali sa sistema ng edukasyon. Ayon sa surbey, maraming bata na edad walo ang hindi marunong bumasa at sumulat. Nangungulelat sa Science at Math ang mga kabataan. Natatalo sa kumpetisyon ng mga katabing bansa. Nakita rin ang kamangmangan sa paghahalal ng pinuno.
Laganap din ang korapsiyon na lalong nagpapalubog sa buhay ng mga Pinoy. Maraming tiwali sa pamahalaan. Pawang kawat ang nalalaman dahilan para mamulubi at matuyuan ang kaban.
Sa Hunyo 30, 2022, manunungkulan ang bagong pinuno. Sikapin sana na mapalaya ang mamamayan sa kahirapan, kamangmangan at korapsiyon. Ang tatlong ito ang matinding kalaban sa kasalukuyan.