Anong problema kung si Senador Robin Padilla ang mapili ng Senado na mamuno sa Committee on Constitutional Amendments and Revision of Laws? Itinakda ba sa Saligang Batas, sa anumang batas o sa alituntunin ng Senado na may karagdagang kuwalipikasyon bago hirangin na Chairman ng Committee na ito?
Siyempre, hindi. Hindi rin rekisito upang maging senador ang pagiging abogado. Marami sa pinakamagagaling na senador ay hindi graduate ng law. Kahit pa walang manalong kandidatong abogado, hindi titigil ang operasyon ng Mataas na Kamara.
Lalong hindi kailangan na ang chairman ng anumang lupon na may kinalaman sa batas ay maging abogadong senador. Hindi rin naman kailangan na senador na doktor ang mag-chairman ng Committee on Health o senador na engineer ang mag-chairman ng Committee on Public Works.
Ang tanging katangiang hinahanap ng batas at ng pagkakataon ay kung handa kang maglingkod. Ang paggawa ng batas ay hindi teritoryo ng abogado. Sa katunayan, malaki ang maiaambag ng mga hindi abogado dala ng kakaibang pananaw ng kanilang mga sektor. Sa pamamagitan nito ay lalong mapagaganda ang paghubog ng mga batas.
At kung ang hanap ay dalubhasa, bawat isang lupon ay may budget at item para sa abogado at iba pang eksperto. Sila ang maniniguro sa maayos na pagsuri at pagsasaanyo ng bawat batas. Sa panig ni Senator Padilla, may consultant pa ito na dating Presidential Legal Counsel: si Atty. Sal Panelo.
Pamilyar ang lahat sa paniwala ng senador na unahin ang Charter Change nang mapangatawanan ang platapormang Pederalismo. Mas matindi nga kung mismong miyembro na ginaganahan sa ganitong paksa ang mabigay sa atin. At least, makasisiguro tayong hindi nito mapababayaan ang pagpastol sa mga pasaway.
Isa rin lamang ito sa miyembro ng buong committee. Sa huli ay lupon din ang magpapasya.
Walang problema kung hawakan ni Senator Padilla ang kanyang pididong committee. Congratulations! Nananalig ang lahat na mapangatawanan niya ang katungkulan at maipakita sa lahat na siya’y walang itulak kabigin hambing sa mga kapwa senador.