Tinanggal ng National Electrification Administration (NEA) bilang manager ng Abra Electric Cooperative (Abreco) si Loreto Seares noong 2018 dahil sa admnistrative charges. Hindi umano nasolusyunan ni Seares ang bilyong pisong pagkakautang ng Abreco. Nagtalaga ang NEA ng task force upang mangasiwa sa Abreco. Apat na taong naglingkod si Seares sa Abreco.
Tumakbo sa Court of Appeals (CA) si Seares at inapela ang pagkakatanggal sa kanya. Subalit muling pinagtibay ng CA ang unang desisyon ng NEA Board sa pagtanggal sa kanya.
Dinala ni Seares sa Supreme Court (SC) ang kaso. Pumanig ang SC sa kanya. Inutusan ng SC ang NEA na agarang ibalik si Seares bilang general manager ng Abreco at ibigay ang lahat nang sahod nito na hindi natanggap. Anang SC, walang basehan ang pagtanggal kay Seares.
Pinapurihan pa ng SC si Seares sa ginawa nito na maiahon ang Abreco sa pagkalugmok sa problemang pinansyal. Sinisi pa ng SC ang NEA dahil sa hindi pagtulong sa Abreco sa problemang pinansyal nito.
Ikinatuwa ni Seares ang desisyon ng SC. Ayon sa kanya, hindi lamang siya ang nagtagumpay kundi pati na rin ang mahigit 30,000 consumer-members ng Abreco.
Sa pagbabalik ni Seares sa Abreco, tiyak na magbabalik-sigla na ang kooperatiba.
* * *
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com